SA unang 22 buwan ni President Duterte sa puwesto, 85 iba’t ibang kaso ng pag-atake at pagbanta sa mga karapatan ng mga Pilipino na, ayon sa Konstitusyon ay dapat na igalang. Ang 85 kaso ay mas malaki sa bilang na naitala sa ilalim ng apat na Presidente na sinundan ni Duterte. Ang mga kasong ito ay nagbabadya ng panganib sa mga taga-media.
Mula Hunyo 30, 2016 hanggang Mayo 1, 2018, kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay sa 9 na mamamahayag, 16 na kasong libel, 14 na kaso ng online harassment, 11 death threats, 6 na kaso ng tangkang pagpatay, 6 na kaso ng harassment, 5 kaso ng intimidation, 4 na kaso ng website attack, 4 na kaso ng physical assault, pagsasawalambisa ng registration o pag-ipit ng prankisa, panlalait, strafing at surveillance ng mga pulis sa mga reporter at tanggapan ng media.
Hindi epektibo ang aksyon ng mga ahensiyang gobyerno para lutasin ang mga kasong ito, sa gitna nang mapanakot na pakikitungo ng administrasyon sa media. Ang Presidente mismo at kanyang Gabinete, pati na ang House of Representatives ay nagtakda at nagpanukala na ng kakaibang paghihigpit sa access ng media sa news events. Ang Kongreso at ibang ahensiya ng gobyerno, pinawalambisa o inaantala ang registration at renewal ng prankisa na kailangan sa operasyon ng ilang kompanya sa media.
Sa mga pagbabantang ito, hindi lang ang media ang minamaliit at pineperwisyo. Nalalagay din sa peligro ang kakayanan ng mga mamamahayag na bigyan ng sapat at malayang impormasyon ang mga mamamayan ukol sa mga isyu at usaping apektado ang lahat.
Nangako ng pagbabago si Duterte kaya marapat lang na ipaalam niya sa taumbayan kung ano at saan may pagbabagong nagaganap, at kung ito ay nagdulot ng mabuti o masama. Magbahagi ng tamang impormasyon sa mga mamamayan at botante ukol sa mga iniluklok nila sa poder, iyan ang tungkulin ng media sa isang demokrasya.
Magkaisa para sa press freedom at demokrasya, ipahayag ang katotohanan at suriin ang nasa kapangyarihan -- ito ang serbisyong inaasahan ng mamamayan sa media.
At sinuman ang Presidente, tungkulin ng nagkakaisang media na itaguyod ang karapatan ng mga Pilipino na makaalam nang tama at sapat na impormasyon ukol sa mga usaping bayan.