INUULAN ng batikos si Tourism Secretary Wanda Teo dahil sa dalawang bagay. Unang isyu: sinisisi siya sa pagsasara ng Boracay. Tama naman ang hakbang. Tiyak na lalung hahangaan ang Boracay kapag nalinis at sumailalim sa rehabilitasyon.
Pero ang isang maselang isyu ay ang COA report hinggil sa P60 milyong advertisement na inilagay ng DOT sa PTV 4. Dahil malakas ang hatak ng programang Kilos Pronto ni Erwin Tulfo sa Chanel 4, doon inilagay ng PTV-4 ang DOT ads. Si Tulfo ay nagkataong kapatid ni Teo na utol din ni Ben Tulfo na kolumnista natin sa pahayagang ito. Isa pa, wala pa sa DOT si Teo ay nakakontrata na ang ad placement sa PTV-4.
Noong panahon ni Secretary Ramon Jimenez, naglagay din ang DOT ng P9 milyon ads sa bagong online news agency na Rappler kapalit ng “tourism intelligence” sa Bali, Indonesia.
Napakaraming minanang problema ni Sec. Teo mula kay Mon Jimenez. May isang advertisement production contract si Jimenez kahit paalis na siya sa pwesto na kinailangan ayusin ni Sec. Teo.
Walang liquidation sa P240 milyon kontrata na iginawad ni Jimenez sa organizer ng food event na Madrid Fusion Manila nu’ng 2014 at 2015. Walang resibo at liquidation report na isinumite ang event organizer. Walang ginawang bidding si dating Sec. Jimenez sa pagkuha ng organizer at ito’y illegal.
Maraming pumalag nang mag-utos si Teo na magsagawa ng bidding sa pagpili ng organizer at venue ng Madrid Fusion Manila para sa taong ito. Pero iginiit ni Teo ang bidding dahil nang pumasok siya nu’ng 2016, nadiskubre niya na puwede pala na kalahati lang ng perang hiningi ni Jimenez ang ilaan para maidaos ang international food event.
Pinauwi pa tuloy ng DOT Central Office kamakailan ang isang dating opisyal ng DOT nu’ng panahon ni Jimenez para kumpletuhin ang mga dokumento at tumulong ipaliwanag kung paanong ginastos ang P240 milyon na ibinigay ni Jimenez sa organizer ng Madrid Fusion Manila nu’ng 2014 at 2015.