SINO ang hindi mapapaisip sa resulta ng Pulse Asia Senatorial preference survey ng March 23 to March 28, 2018? Tulad ng inaasahan, si Senadora Grace Poe ang bumandera ng milya-milya sa lahat. Ito na ang pangatlong konsekutibong eleksiyon ng tinakbo ni Sen. Grace. Noong 2013 na first time niya, sinorpresa niya ang lahat, maging ang kanyang sarili, nang masungkit niya ang pangunahing posisyon. Sa 2016 Presidential elections, sila ni Vice President Binay ang paborito nang mag-umpisa ang kampanya. Ngayong 2019, mag-uumpisa siyang muli bilang pinaka-patok na kandidato.
Magandang kaganapan din ang paglutang ng mga kababaihan bilang top 4 sa survey. Senadora Cynthia Villar, Pia Cayetano at Nancy Binay. Alam ng lahat na ang apat na ito ay malaki ang tsansang makabalik sa Senado, lalo na sa magandang sinukling serbisyo. Sina Senadora Pia at Nancy ay kapwa nasa top 6 nang huli nilang takbo, pang anim at pang lima. Ang sorpresa ay si Senadora Cynthia na mula sa pagiging No. 10 noong 2013 ay bumulusok sa No. 2 sa survey.
Mga subok nang incumbent at dating senador ang bumuo sa natitirang mga puwesto – sina Senador Sonny Angara at Senate President Koko Pimentel sa top 6 na tinatayang siguradong makakalusot. Sa next 6 naman ay sina Senador Serge Osmeña, Lito Lapid, Jinggoy Estrada, Bam Aquino at JV Ejercito. Sa 11 na ito ay makakasiguro na ang bansa ng balanseng line up para sa Senado.
May mga bagong pangalan na nagbabadyang maging magandang adisyon sa mataas ng kapulungan. Nandiyan si Mayor Sara Duterte-Carpio, panganay na anak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na, sa buong termino ni PRRD, pawang respetableng pag-asta ang pinamalas. Nandyan din ang Gobernador at dating Kongresista ng Ilocos Norte na si Imee Marcos na hindi lang matalino, sobrang tapang pa. Kasama nina Erwin Tulfo na hinasa ng kanyang karanasan sa media at si Bato de la Rosa na eksperto sa peace and order, maganda na itong unang line up ng potensiyal nating senador sa 2019.