MAIHAHALINTULAD ko si Sister Patricia Fox kay St. Mother Theresa ng Calcuta, India. Bukas ang palad sa pagtulong sa mahihirap. Masuwerte tayong mga Pilipino dahil dito sa ating bansa napadpad si Sister Pat. Sa 27 taon niyang pamamalagi rito sa atin, matatas ng magsalita ng Tagalog. Maraming pagsubok ang napagdaanan habang siya’y nandito. Nandiyan ang kalamidad na naranasan pero hindi sumuko dahil alam niya, Panginoon ang nagbigay sa kanya ng misyon upang tulungan ang mga naghihikahos sa buhay nating kababayan.
Si Sister Pat ay narito hindi para kontrahin ang gobyerno. Dinala siya rito ng kanyang kapalaran upang ibahagi sa ating mga kababayang nasa liblib na lugar ng bansa ang salita ng Diyos at isinabay na rin ang pagtulong sa ating mahihirap na kababayan. Mas maigi nga si Sister Pat walang tigil ang pagtulong samantalang ang mga pulitiko, lumalabas lang ang pera kung malapit na ang election. Napapagawi lang sa mga liblib na lugar tuwing araw ng kampanyahan.
Sa isang iglap, bigla na lamang ipinaaresto ni Digong Duterte si Sister Pat dahil aktibista umano? Hindi kaya maling impormasyon ang ipinaabot kay Digong? At ang masaklap pa ipinakulong ng mga taga Bureau of Immigration (BI). Nakaya ng kanilang sikmura na ikulong ang 71-anyos na madre? Bigla ko tuloy naalala ang dalawang abogadong taga-BI na kinikilan ang gambling lord na si Jack Lam. ‘Yan ang dapat n’yong ikulong, mga opisyal niyong kawatan hindi pati isang madre ay inyong pagtitripang ikulong.
Kung inaakala ng gobyerno na meron ngang nagawang pagkakamali si Sister Pat, bigyan ng babala huwag namang ipa-deport. Hindi naman siguro magiging balakid ang isang 71-anyos na madre sa isunusulong na batas ng gobyerno.