KAMAKALAWA, pormal nang isinalin sa kamay ni PNP chief Director Oscar Albayalde ang pamumuno sa 190,000 pulis sa buong bansa. Ginanap ang turnover ceremony sa Camp Crame na sinaksihan ni Pres. Rodrigo Duterte. Pinalitan ni Albayalde si dating PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na pamumunuan naman ang Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Albayalde, ang marching order sa kanya ng Presidente ay “do what is right.’’ Ipagpapatuloy umano niya ang nasimulan ni Dela Rosa na kampanya laban sa illegal na droga. Tuloy umano ang “Tokhang” at “Oplan Double Barrel” pero marami na umanong pagbabago sa pagsasagawa nito. Kung dati ay bara-bara ang pagsasagawa ng mga pulis ng “tokhang” ngayon ay may mga kasama na itong human rights group at mayroon na ring camerang suot ang mga pulis. Ito ay para maiwasan na ang mga kahina-hinalang pagpatay na binabatikos ng mga human rights advocates at iba pang grupo.
Nararapat lamang na ituloy ni Albayalde ang kampanya sa illegal drugs sapagkat sa kasalukuyan, wala pa ring tigil o patuloy pa rin ang pagkalat nito. Sa kabila na marami nang naaresto at napatay patuloy pa rin ang bentahan ng shabu. Lalo pang tumapang ang mga drug pusher at lantaran na ang ginagawang transaction.
Patindihin ni Albayalde ang kampanya sa droga para malipol na ang mga salot. Kung nagpakita ng tapang si Dela Rosa laban sa droga, higitan pa niya ito. Ipakitang mas matigas siya at mas matapang kaysa kay Bato.
Kasabay nang paglipol niya sa salot na droga, paigtingin din ang pagdisiplina niya sa mga pulis. Maraming scalawags na pulis at dapat unahin niya ito para maibalik ang tiwala ng mamamayan. Sabi ni Albayalde, 24/7 ang ipatutupad na pagdisiplina sa mga pulis. Gawin mo General. Hahangaan ka kapag nagawa ito.