Matutuloy pa rin

AGAD nagsalita si DOJ Sec. Menardo Guevarra nang lumabas na ang balita na maaaring mabasura ang kaso laban sa dalawang pulis na nakapatay kay Carl Angelo Arnaiz, dahil ayon sa lumutang na testigo, sa Navotas pinatay si Arnaiz, at hindi sa Caloocan. Lumalabas na maling korte ang pinagsampahan ng kaso. Wala raw dapat ikabahala ang lahat. Makakasuhan pa rin daw ang dalawang akusadong pulis. May mga nakaraang kaso kung saan nagkamali rin ang pinagsampahan ng kaso. Teknikalidad lang, na walang epekto sa lakas ng kaso. Hindi naman maitago ng huwes sa korte sa Caloocan ang kanyang dismaya sa mga prosekyutor ng gobyerno. Sino nga naman ang matu­tuwa? Napaka-high-profile ng kasong ito, kaya sigurado tinututukan. Paano makakalusot ang detalyeng iyan sa mga prosekyutor? Nakalusot ba, o pinalusot?

Mabuti na lang at agad nagsalita si Guevarra. Nararamdaman ko na ang galit at hinagpis na maaaring matanggap ng DOJ sa pagkakamaling ito, kung tuluyang mabasura ang kaso laban sa dalawang pulis. Hindi nga dapat isyu kung saan isasampa ang kaso. Ang mahalaga ay makasuhan sila. Ganyan lang talaga ang batas, may mga teknikalidad. Ang mahirap ay kadalasan ay pinagsasamantalahan ng mga abogado ang mga teknikalidad na iyan, para mabasura ang mga kaso. 

Marami rin ang natutuwa na pinag-aaralan kung tala­gang pwedeng ipasok sa witness protection program (WPP) ng gobyerno si Janet Lim Napoles. Nagpupumilit ang kampo ni Napoles na ilipat na siya sa safehouse ng DOJ. Pero hindi ito tinaggap ng DOJ sa ilalim ni Guevarra, dahil kulang pa raw ang requirements ng kampo ni Napoles para mabigyan ng “provisional coverage” sa WPP, at pinag-aaralan pa. Ibang-iba kay dating DOJ Sec. Vitaliano Aguirre na tila nagmamadaling ilipat na si Napoles. Ano rin ang nangyayari sa kaso ni Kian Delos Santos? Parang tumahimik na yata, eh siya ang mas unang napatay ng mga pulis-Caloocan. Parang ang huling balita ay pinag-aaralan pa kung kakasuhan ang mga pulis o hindi, kahit ang resulta ng imbistigasyon ng PNP-Internal Affairs Service ay planado ang ginawang krimen. Inupuan ba ito ng DOJ sa ilalim ni Aguirre? Dapat pag-aralan na rin ito ni Guevarra. 

Sana nga ay may pagbabago na sa DOJ. Sana nga ay maibalik ang dignidad sa kagawaran. Sana ay hindi lang salita ang maririnig mula kay Guevarra, kundi gawa.

Show comments