Makukuha rin nila?

MAINGAY na rin ang isyu ng nawawalang P60 milyong allowance para sa mga Special Action Force (SAF). Nananawagan si Sen. Lacson ng pagdinig sa Senado sa isyu. Labintatlong SAF ang nagsampa ng reklamong pandarambong laban sa apat na opisyal ng SAF dahil sa umano’y hindi natatanggap na pang araw-araw na Additional Subsistence Allowance (ASA). Mga apat na libong SAF ang hindi na nakakatanggap ng ASA na nakalaan para sa kanila. Ang natanggap lang ay para sa Enero ng 2016 at Enero hanggang Hulyo ng 2017. Wala nang natanggap sa mga ibang buwan. Dahil dito, isa sa pinakahuling utos ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ay ang pagsibak sa apat na opisyal ng SAF na humahawak sa pondo, para maimbestigahan sila nang husto.

Ang unang paliwanag ng isang sinibak na opisyal ay ginamit daw ang pondo para sa mga SAF na nadestino sa New Bilibid Prisons. May sinasabi ring ginamit sa “oper­ational expenses, fellowship and trainings”. Pero walang maipakitang mga dokumento hinggil sa mga pinagga­mitan ng pondo. At puwede bang gamitin sa iba ang pondong nakalaan na? Akala ko ba hindi puwedeng gawin iyan.

Ngayon, may naibalik na raw na P37 milyon, ayon kay Dela Rosa. Wala raw dapat ikabahala, makukuha ng mga SAF ang kanilang ASA. Pero may kulang pang halos P23 milyon. Kung may P37 milyon palang hawak, bakit hindi pa ibinigay sa mga SAF, na matagal na palang hindi naka­katanggap ng ASA? Ano pala ang planong gawin sa perang iyan, kung hindi nagreklamo ang mga SAF? Saan nila kukunin ngayon ang kulang? Sapat na ba ang paliwang na napunta sa mga SAF sa NBP, o kung saan pa?

At puwede na lang bang sabihin na maku­kuha rin nila, kung dapat meron naman antimano? Ang sinasabi ba ni Dela Rosa ay may paliwanag kung bakit hindi nila natanggap, pero matatanggap din? Ganun ba kadali gumastos ng pera ang PNP ngayon? 

Show comments