Kadamay di dapat ibenta ang mga bahay nila
SA wakas unti-unti nang lumalabas ang tunay na motibo ng Kadamay sa kanilang inokupahang mga bahay sa Pandi at San Jose del Monte, Bulacan. Magpasalamat sila dahil tuluyan ng binigay sa kanila ni Pres. Digong Duterte ang inagaw nilang bahay na para sana sa mga pulis at sundalo. Kung ating susuriin mas may karapatan ang mga kawal ng gobyernong tumira roon sa mga pabahay dahil sila ang sumusuong sa giyera upang ipagtanggol ang ating bansa, nagpapalaganap ng kapayapaan at kaayusan samantalang itong mga Kadamay ay mga salot ng lipunan.
Hindi pa man lumipas ang taon may miyembro na ng Kadamay na nagbenta ng bahay. Hindi kaya ginagawa na nilang negosyo yan? Mang-aagaw ng bahay tapos pag lumaon ibebenta nila. Todo tanggi ang mga miyembro at mapapatunayan daw nilang hindi totoo. Ano yan bahagi rin ba ng laganap na fake news yan? Puwede bang magsinungaling ang video? Kitang-kita naman ang pag-uusap ng isang miyembro ng Kadamay at ng buyer. Asan na ang mga taga-NHA? pagkakataon n’yo na itong imbestigahan. Huwag n’yong tantanan ang mga Kadamay na yan upang hindi na sila makapang-agaw pa ng bahay.
Doblehin ang pagbabantay sa mga ipinapatayong pabahay ng gobyerno upang hindi na maulit ang mga pangyayaring basta na lamang sumusugod ang mga Kadamay at sapilitang titirahan ang hindi nila pag-aari. Maraming mahihirap na pamilya ang dapat makinabang sa mga libong pabahay ng gobyerno. Kamakailan lamang may 550 pamilyang sapilitang binigyan ng susi sa kanilang bagong bahay na galing din sa isang squatter area sa Caloocan, nilipatan na kahit hindi pa tapos baka maunahan daw sila ng mga Kadamay.
Mukhang natameme ang mga pulitikong sumusuporta sa grupong Kadamay. Ano kaya ang masasabi nila kung inumpisahan ng ibenta ang mga housing unit na inokupa?
- Latest