PARA sa artikulong ito, magbibigay po ako ng dalawang pagkain, at piliin ninyo kung ano ang mas masustansiya? Tingnan natin kung mahuhulaan ninyo ang tamang sagot.
1. Kape o tsa-a
Ang kape ay magandang pampagising at may konting tulong sa ating memory. Pero ang tsa-a naman ay may sangkap na catechins, na tinatawag na artery protector, panlaban sa bacteria at panlaban sa cancer. Ang Green tea ay mataas sa catechins. Kung gusto ninyo tumulad sa mga Chinese at Japanese na mas mababa ang insidente ng atake sa puso, subukan ang tsa-a.
Winner: tsa-a o green tea.
2. Pritong itlog or nilagang itlog
Kadalasan, ang mga pritong pagkain ay mas hindi healthy kumpara sa mga boiled, steamed o roasted. Kaya ang hard-boiled egg ay mas healthy at may 76 calories lamang. Pero ang fried egg ay umaabot sa 92 calories dahil sa taglay na mantika. Isa pa, mas safe ang hard-boiled egg kaysa sa soft-boiled o malasadong itlog. Ito’y dahil pinapatay ng mataas na temperatura ang mga bacteria tulad ng salmonella sa itlog. Umiwas sa pagkain ng hilaw na itlog at bumili lang ng itlog sa mga ligtas na tindahan.
Winner: Hard-boiled egg.
3. Fresh tomatoes or tomato sauce
Ang kamatis at tomato sauce ay mataas sa antioxidants tulad ng beta-carotene at lycopene. May tulong ito sa mga may sakit sa puso, at makakababa ng tsansa ng kanser sa prostate at kanser sa bituka. Pero ang lycopene ay nanggagaling sa loob ng cell wall o selula ng kamatis. Kailangan muna itong lutuin at malagyan ng kaunting oil bago ma-absorb ng ating katawan. Dahil dito, mas healthy ang tomato sauce.
Winner: Tomato sauce.
4. Taba ng baboy o taba ng isda
Ang taba ng baboy at taba ng baka ay napatunayan nang talagang nagdudulot ng kanser at sakit sa puso. Pero, ayon sa pagsusuri, mabuti sa katawan ang taba ng isda, lalo ng mga oily fish tulad ng sardinas, tuna, mackerel at salmon. Ito ang klase ng taba na hindi nagsesebo at hindi tumitigas sa room temperature. Ang Omega-3 na taglay ng isda ay may tulong din sa pagnormal ng tibok ng ating puso, at nakahahaba ng ating buhay.
Winner: Taba ng isda.
5. Mangga o strawberry.
Ang mga berries tulad ng strawberries, blueberries at cranberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols na panlaban sa kanser. Punumpuno pa ang strawberries ng vitamin B’s, vitamin C, vitamin K, minerals, potassium (para sa puso) at folate (para sa dugo). Okay naman ang mangga dahil may vitamin C ito pero alam ba ninyo na ang isang pirasong mangga ay may 207 calories. Para ka nang kumain ng isang tasang kanin. Ang isang tasang strawberry ay may 49 calories lamang.
Winner: Strawberry.