NAGSIMULA na noong Sabado ang pagpa-file ng candidacy ng mga kakandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14. Ayon sa Comelec, marami na ang nag-file ng kandidatura. Basta marunong bumasa at sumulat ay maaaring kumandidato. Ayon pa sa Comelec, hindi na raw kailangan ang biodata ng mga kakandidato.
Masyadong maluwag ang pagtakbo ng mga kandidato sa bansang ito. Basta marunong sumulat at bumasa ay okey na. Dapat mabago na ang kalakarang ito. Mayroong nagmumungkahing dapat nakatapos sa kolehiyo ang mga kakandidato sa election kasama ang mga tatakbo sa barangay. Hindi lang basta marunong sumulat at bumasa.
Isa pang dapat ipatupad ay isama ang mandatory drug testing sa mga tatakbong kandidato, lalo na ang mga tatakbo sa barangay elections. Sa dami ng mga sugapa o protector ng drug syndicate ngayon, hindi na nakakasiguro kung ang ihahalal ay sangkot sa illegal drugs. Mahalaga ang drug testing sapagkat dito pa lamang, malalaman na kung dapat ibasura ang kandidato. Mawawasak ang barangay kapag ang naiupo sa puwesto ay sangkot sa droga. Dapat ipaggiitan na ma-drug test ang mga kandidato.
Maski ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nananawagan sa mamamayan na mag-ingat sa pagpili ng kandidato. Piliin ang mga kandidatong hindi sangkot sa droga. Sabi ng DILG, hindi lamang mabuting kandidato ang dapat iboto ng mamamayan kundi pati ang kandidatong marunong lumaban sa mga nagpapakalat ng droga. Kailangan daw ay kandidatong matapang na isiwalat ang mga sangkot sa droga. Hindi natatakot na sabihin na mayroong drug pushers sa lugar. Kung ang isang kandidato raw ay walang kakayahan na labanan ang droga, huwag na lang tumakbo.
Tama ang DILG, ang mamamayan ay dapat maging alerto at nag-iisip sa pagpili ng ibobotong opisyal sa barangay. Huwag basta-basta magsusulat sa balota at baka ang maisulat ay sangkot sa droga.