MAGKAKAHUSTISYA ang 837,000 bata na “na-Dengvaxia.” Pangako ‘yan ni Sen. Dick Gordon sa pagtatapos ng imbestigasyon ng kanyang Blue-Ribbon Committee sa palpak na bakuna kontra dengue.
Nangangamba ang magulang ng mga edad 9-11 na binakunahan. Dalawang dosena na ang kinumpirma ng Public Attorney’s Office na namatay dahil sa sintomas ng dengue at yellow fever. Taglay ng bakuna ang viruses. Imbis na maging immune ang tinurukan, nagkasakit sila, linagnat, nanghina ang resistensiya, nagsuka, at nagdugo, ilang araw o linggo matapos mabakunahan.
Sa kabila ng ulat ng mga namamatay, sinisiraan ng Sanofi Pasteur, at mga galamay nito sa gobyerno at media, ang mga nag-iimbestiga. Kesyo raw hindi eksperto at nananakot lang ang mga doktor at abogado na naghahabla sa mga salarin. Kesyo raw dumadami ang nagkakatigdas dahil, sa takot, ayaw nang pabakunahan ng mga magulang ang kanilang sanggol. Kesyo raw pinupulitika ang siyensiya.
Hustisya ang nararapat para sa mga namatayan at nainiksiyunan nang walang pahintulot. Hustisya lang ang papawi sa pangamba ng madla, at magbabalik ng tiwala sa pagbabakuna.
Sina dating-President Noynoy Aquino, budget secretary Florencio Abad, at health secretary Janette Garin ang ihahabla, ani Gordon. Pinaka-mababang kaso ay reckless imprudence, pero maari humantong sa graft and corruption. Kasama nila ang mga health undersecretaries at managers ng Sanofi Pasteur.
Gagamitin para sa mga biktima ang P1.2 bilyong ipinasoli sa DOH na bayad sa hindi nagamit na bakuna. Pang emergency treatment sa kanila ‘yon, saan man maospital. Pang blood test din para malaman kung sero-positive (dati nang nagka-dengue) o sero-negative. Pang-monitor din sa kanilang kalusugan. Dadagdagan pa ang pondo batay sa rekomendasyon ng DOH.