(Huling bahagi)
LABING-ISANG reklamo para sa kasong rape ang isinampa kay Nato para sa labing-isang araw na panggagahasa niya sa anak. Testigo ng prosekusyon si Angelu na malinaw na isinalaysay kung ano ang ginawa sa kanya bagaman sinabi niya na hindi siya ginahasa noong alas diyes ng gabi. Sumunod na tumestigo ang barangay captain at ang mga pulis tungkol sa isinumbong sa kanila ni Angelu.
Todo tanggi lang si Nato sa paratang ng anak. Ang depensa niya ay gumaganti lang si Angelu sa bugbog at pamamalo niya rito. Matigas daw kasi ang ulo at sutil ang anak. Palusot pa ni Nato ay hindi na birhen si Angelu dahil may boyfriend na nakatira sa Lola Beth nito.
Ngunit hinatulan pa rin ng korte na ginahasa ni Nato ang anak at pinatawan ng parusang kamatayan sa 10 kaso ng rape. Pinagbabayad din siya ng mga danyos dahil sa kanyang ginawa.
Kinumpirma ng Korte Suprema ang desisyong ito ng mababang hukuman base sa testimonya ni Angelu. Ang RTC daw ang nasa mas magandang posisyon para pakinggan at alamin kung totoo ang salaysay dahil ito ang nakakita sa kilos/sagot ng mga testigo. Ang positibong pagturo ni Angelu sa ama na gumahasa sa kanya ay mas nangibabaw kaysa sa pagtanggi at pagkutya ni Nato sa kredibilidad ng anak. Bakit nga naman magsasampa ang isang dalagitang tulad ni Angelu ng kasong rape laban sa ama kung hindi ito totoo.
Hindi nakabawas sa katotohanan ng ginawang panggagahasa ni Nato ang pananahimik at hindi pagsusumbong ni Angelu sa kanyang lolo at mga pinsan dahil siya ay natakot at napilitang nanahimik sanhi ng mga banta ng ama, sa madalas nitong pagbugbog sa kanya at sa kahihiyan na rin na kanyang sinapit.
Lalong walang kuwenta ang suspetsa na may boyfriend si Angelu na siyang dahilan ng pagkawala ng kanyang pagkababae. Ang pagiging birhen ay hindi isang elemento ng rape sa ilalim ng Article 335 ng Revised Penal Code. Kaya tama talaga ang hatol ng mababang hukuman na may sala si Nato ng rape at sintensiyahan siya ng kamatayan para sa 10 rape (People vs. Sacapao, G.R. No. 130525, September 3, 1999).