Katraydoran inuulit sa joint exploration (3)
SINIKRETO ng Malacañang ang Joint Marine Seismic Understanding (JMSU) ng 2005-2008. Nag-ambag ito ng $5 milyon na hindi alam ng Kongreso. Ibinigay sa China ang kontrol sa pag-explore sa likas-yaman ng Pilipinas. Walang naprobetse ang mga Pilipino. Dapat ni hindi joint exploration, kundi financial o technical assistance lang. Limang beses na paglabag ang mga ‘yon ng Malacañang sa Konstitusyon.
Bakit ‘yon ginawa ng Malacañang? Nalantad na inakit pala ito ng China ng taunang pautang na $2 bilyon sa 2006-2010. Para ‘yon sa mga kunwari’y proyektong pang-ekonomiya: North Rail, South Rail, at pagbalato sa kumpanyang Chinese na ZTE International ng karapatan na magmina ng ginto sa Mount Diwalwal -- muli labag sa Konstitusyon. Sa ginawang imbestigasyon ng Senado, binunyag ng whistleblowers na ‘di bababa sa 20% ang kickbacks ng mga traydor na opisyales.
Isa sa mga pautang ay $329 milyon para sa maanomalyang national broadband network ng ZTE Corp. Napatunayan sa Senado ang in-expose sa kolum na ito: sa halagang ‘yon ay $200 milyon o P10 bilyon sana ang kickback ng mga kawatan sa paligid ng Malacañang. Mas malaki ang kurakot kaysa mapupunta sa proyekto.
Nu’ng panahon ding ‘yon, napaulat na nagpapautang din ang China sa mga korap na gobyerno sa Central Asia at Africa. Bale-wala sa China kung nakawin ng mga presidente roon ang pera, basta lang magbayad ang gobyerno ng buong utang -- at ibalato sa mga kumpanyang Chinese ang paghuthot sa likas-yaman nila.
Ngayon makiki-joint exploration na naman ang Malacañang sa China ng West Philippine Sea. Pero ang dapat gawin ay parusahan ang mga traydor, at tapang laban sa manlulupig. Paulit-ulit tayo: “Aming ligaya na, ‘pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa ‘yo.”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest