KAKASUHAN pa rin ng pandarambong sina dating Bureau of Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles, kaugnay ng P50 milyong suhol na galing umano kay Jack Lam, para mapakawalan ang ilang taga-China na iligal na nagtatrabaho sa bansa. Kung naaalala ninyo, kulang ng P1,000 ang isinuko nila Argosino at Robles nang pumutok ang isyu. Siguro para hindi masabing pandarambong ang kaso nila kung saan P50 milyon ang hangganan. Ganun pa man, pandarambong pa rin ang haharapin nila.
Inutos ng Sandiganbayan na dalhin ang dalawa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, para makulong. Nataon na nasa Sandiganbayan ang dalawa para magpiyansa sa ibang kaso nang lumabas ang utos na arestuhin na sila. Sila ang mga unang opisyal ng administrasyong Duterte na nakasuhan at umabot na sa Sandiganbayan. Baka nataon lang na kung kailan wala na si Aguirre sa DOJ, ang kanilang ka-frat, ay nakulong na sila.
Hindi rin pinayagan ng Sandiganbayan ang paglipat ni Janet Lim Napoles sa DOJ sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP), mula sa Camp Bagong Diwa. Ito ang isa sa mga huling kilos ni Aguirre bilang kalihim ng DOJ. Hindi matanggap na kung may mga kasong nakasampa na sa kanya, bakit pa kailangang ipasok sa WPP. Ayon din kay DOJ Sec. Guevarra, ang isa sa mga unang pag-aaralan ay ang pagpasok ni Napoles sa Witness Protection Program.
Marami nga ang nagulat sa kilos na ito na pinamunuhan ni Aguirre. Marami ang naghinala na ang mga miyembro ng oposisyon ang pangangalanan ni Napoles, kapalit ang pagpasok niya sa WPP. Si Napoles ay akusado ng pagiging utak sa likod ng tinatawag na PDAF scam, kung saan bilyon ang nakuha mula sa gobyerno. Bakit nga naman siyang gagawing testigo para sa estado? Kung may gusto siyang sabihin, sabihin na niya. Bakit kailangan pang isailalim sa WPP?