Katraydoran inuulit sa joint exploration (2)
NILANSI ng China ang Pilipinas sa Joint Marine Seismic Understanding (JMSU) nu’ng 2005-2008. Nag-ambag ang Malacañang ng $5 milyon nang walang pahintulot ng Kongreso. Pero hindi nagbigay ang China ng kopya ng resulta. Kasalanan ‘yon ng Malacañang. Pumayag kasi na labagin ang Konstitusyon. Sabi sa Artikulo XII, Pambansang Ekonomiya at Patrimonya, lahat ng likas-yaman ay ‘‘dapat sumailalim sa ganap na kontrol at superbisyon ng Estado.” Ang anomang exploration ay “batay sa mga tunay na ambag sa pagsulong na pangkabuhayan at sa kagalingang panlahat ng bansa.”
Nu’ng 2009 biglang lumawak ang inaangkin ng China. Hindi na lang Spratlys kundi buong South China (West Philippine) Sea. Kesyo raw ay markado ang teritoryo nito ng nine-dash line sa mga sinaunang mapa. Kontra ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea. Kinikilala lang ng tratadong ‘yon ang 200-milyang EEZ at 150-milyang extended continental shelf. Binulabog ng China ang paggalugad ng mga Pilipino sa Recto Bank. Umangal ang Forum Energy, na naghahanap ng langis sa Sampaguita Oilfields. Hindi tumulong ang Malacañang. Kuwenta binigyan nito ang China ng kontrol sa dagat ng Palawan.
Tsamba lang ang pagbisto sa sikretong JMSU. Nabanggit ito ng Singapore think tank sa saliksik sa usa-ping Spratly. Una pinuri ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN nu’ng 2002 na papirmahin ang China sa Declaration of Conduct sa pinag-aawayang dagat. Kasama sa DOC na huwag palawakin ang inaangkin o magbanta ng dahas. Pero makalipas ang tatlong taon, tila lumipat ang Pilipinas sa kabilang panig at nakipag-JMSU sa China. Sa sobrang pagsikreto nito, nilabag ng Malacañang ang Konstitusyon nang pang-apat na beses. Sa Artikulo XII, kailangan iulat ng Presidente sa Kongreso ang anomang kontratang pang-likas-yaman sa loob ng 30 araw mula sa pagpirma. Pinirmahan ang JMSU nu’ng Abril 2005; matatapos na ito sa Abril 2008 nu’ng natuklasan. (Itutuloy)
- Latest