Aalis na sa ICC
BINAWI na ni Pres. Rodrigo Duterte ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), dahil sa “walang basehan daw na kasong gustong isampa laban sa kanya”. Pinagtutulungan daw siya ng UN at ICC para akusahan siya ng malawakang paglabag sa karapatang pantao bunga umano ng dami ng mga extrajudicial killings na naganap sa bansa sa ilalim ng kanyang administrasyon, partikular sa kampanya kontra iligal na droga.
Kanya-kanyang interpretasyon ngayon hinggil sa pagbawi ni Duterte sa ICC. May mga nagsasabi na isang taon pa ang bisa ng pagbawi magmula ng paghain nito. May mga nagsasabi na walang epekto sa imbestigasyon na inilunsad na ng ICC dahil nasimulan noong miyembro pa ang Pilipinas sa ICC. Kung si Duterte naman ang tatanungin, walang hurisdiksyon ang ICC sa kanya, “kahit sa loob ng isang milyong taon”. Wala rin daw saysay ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa ICC dahil hindi naman daw inilabas sa pahayagan. Ano kaya kung buhay pa si Sen. Miriam Santiago? Ano kaya ang sasabihin tungkol dito? Kinukuhang huwes ng ICC si Miriam, kaya lang tinanggihan na lang niya dahil sa sakit.
Ang sa akin naman, kung ang laging sinasabi ng administrasyong ito na kung may nakikitang paglabag sa batas, korapsyon o katiwalian ay magsampa ng kaso, ano pala ang takot nila sa kasong isasampa ng ICC, kung meron man, kung inosente sila sa mga akusasyon? Kailangan bang bawiin ang pagiging miyembro sa ICC? Anong isusunod, aalisin na rin tayo sa UN, dahil kritikal din kay Duterte? Tila lahat ng mga sinabi ni Duterte ay wala ring saysay. Nandyan ang pamilyar na “jetski” hinggil sa pag-angkin ng China sa mga isla sa karagatan. Walang nangyari. Ilang beses ding narinig si Duterte na magpahayag na hindi siya takot sa ICC, at magsampa na sila ng kaso kung gusto nila. Ngayon ito.
Pero mapapailing na lang kay Harry Roque. Si Roque ang isa sa mga taga-suporta na maging miyembro ang Pilipinas sa ICC. Ipinaglaban niya ito nang husto, at nang maging miyembro na sa ilalim ng nakaraang administrasyon, nagpasalamat sa Senado at kay P-Noy “for finally granting the Filipino people an effective remedy to impunity”. Pero kung magsalita ngayon, simula na raw ng katapusan ng ICC dahil sa pagbawi ni Duterte ng Pilipinas dito. Parang napakasama naman ng ICC ngayon kay Roque. Kilalang tagapagtanggol din ng karapatang pantao si Roque noon. Talaga naman ano? Nagagawa nga naman ng panahon at pagkakaugnay sa partidong politikal.
- Latest