EDITORYAL - Pag-postpone sa barangay elections, nakadidismaya
INAPRUBAHAN ng House of Representatives kahapon ang pag-pagpapaliban sa May 14 barangay at Sangguniang Kabataan elections. Sa botong 14-2 ng mga miyembro ng suffrage and electoral reforms committee, isasagawa ang barangay at SK elections sa Oktubre 8, 2018. Magkakaroon pa ng debate sa nasabing postponement sa Martes. Kapag nagkasundo, ito ang ikatlong pagkakataon na ipinagpaliban ang barangay elections. Unang naka-schedule ang election noong Okt. 31, 2016 pero pinostpone ito ni Pres. Rodrigo Duterte at ginawang Okt. 23, 2017 pero muling ipinagpaliban ng Presidente at ginawang Mayo 14, 2018.
Dahil sa sunud-sunod na pagpapaliban ng elections, walang ibang nakikinabang dito kundi ang mga barangay officials na na-extend na ang termino. Dapat ay tatlong taon lamang ang termino ng barangay officials. Tiyak na bago sumapit ang Okt. 8, 2018 (bagong petsa ng election), magkakaroon muli ng pagbabago at ipagpapaliban muli sa susunod na taon, kasabay ng midterm elections.
Hindi naman maganda ang ganitong ilang ulit ng pagpapaliban ng barangay elections sapagkat lalo lamang mamamayagpag ang mga barangay officials na sangkot sa illegal drugs. Kapag muling ini-extend ang termino, pabor ito sa mga barangay officials na nakikinabang sa droga. Patuloy ang kanilang pamamayagpag.
Si President Duterte na mismo ang nagsabi na 80 percent ng barangay officials sa buong bansa ay sangkot sa illegal na droga. Marami sa mga opisyal ay protector ng drug syndicate, nagbebenta ng droga at ang matindi, gumagamit sila ng droga.
Maraming barangay chairman at kagawad ang nahuli ng pulisya at PDEA sa buy-bust operations. Mayroon pang nahulihan mismo ng shabu sa bakuran ng barangay hall. Mayroon ding natuklasang drug den ilang hakbang ang layo mula sa barangay hall.
Nakadidismaya ang madalas na pag-postpone sa barangay elections sapagkat sa halip na mawalis ang mga opisyal na sangkot sa masamang gawain particular ang drug pushing, pinatagal pa ang pamamalagi ng mga ito. Ituloy na at huwag nang ipagpaliban pa ang barangay elections.
- Latest