NARITO na sa bansa ang tatlong labor officials sa Kuwait na nagpabaya sa kalagayan ng overseas worker na si Joanna Demafelis. Pinauwi sila ni Labor Secretary Silvestre Bello III. Si Demafelis ang domestic helper na tinorture muna ng mga amo nito bago pinatay at saka inilagay sa isang freezer. Naaresto na ang mga amo ni Demafelis sa magkahiwalay na lugar sa Lebanon at Syria at nakatakda nang dalhin sa Kuwait para sampahan ng kaso. Kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti ang hatol sa mga pumatay.
Ang tatlong labor officials na ni-recall ni Bello ay sina labor attaché Alejandro Padaen, assistant labor attaché Lily Pearl Guerrero at welfare officer Sarah Concepcion. Ayon kay Bello, nahaharap sa administrative proceedings ang tatlo. Kapag napatunayang nagpabaya sila sa tungkulin, mapapatalsik sila sa puwesto. Ayon kay Bello, hindi binigyang pansin ng tatlo ang pagkawala ni Demafelis sa kabila na inireport na ito ng kapatid ng biktima na si Jessica.
Ayon kay Jessica, tumawag siya sa labor office sa Kuwait at inireport ang pagkawala ng kapatid pero sabi ng sumagot sa kanyang babae roon, marami pa umano silang inaasikaso at busy sa iba pang kaso. Hindi na umano niya nakausap ang babaing opisyal hanggang sa mabalitaan na lamang nila na natagpuan ang bangkay ng kapatid sa freezer.
Sabi ni Bello, malinaw na hindi gumawa ng aksiyon ang tatlong labor officials sa kaso ni Demafelis. Nagpabaya ang mga ito. Ayon pa kay Bello, dolyar ang sinasahod ng mga opisyal na ito sa Kuwait at sa kabila nito, hindi sila kumilos para hanapin ang kawawang kababayan.
Ang pag-recall sa tatlo ay dapat maging aral sa iba pang labor officials sa mga bansa sa Middle East na maraming OFWs. Dapat imbestigahan ni Bello na may pagpapabaya rin sa ibang bansa gaya sa Saudi Arabia na kamakailan ay may namatay ding OFW dahil hindi umano pinakakain ng amo.
Katarungan para kay Demafelis. Hindi sana ito matulad sa iba pang kaso ng OFW na nawalang parang bula. Kasabay sa paglilitis sa mga amo ni Demafelis sa Kuwait, gilingin din ang tatlong labor officials na pabaya sa tungkulin. Sampolan sila.