EDITORYAL - Marami pa ringbulok na dyipni
MARAMI pa ring bumibiyaheng karag-karag na dyipni. Patuloy pa rin silang nagbubuga nang maitim na usok na nagpapalala sa polusyon. Patuloy pa rin silang nagdudulot ng trapik dahil sa kawalan ng disiplina sa kalsada.
Tumamlay na ba ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” dahil nakakabiyahe na uli ang mga bulok na dyipni? Nag-ningas-kugon na rin ba ang LTFRB at biglang nawalan ng sigla? Sa simula lamang ba magaling ang LTFRB at kapag tumagal na ay wala na rin.
Hindi sana maging matamlay ang LTFRB sapagkat maganda ang feedback ng kanilang kampanya laban sa mga bulok na sasakyan. Ang mga karag-karag na sasakyan bukod sa nagpapabigat sa problema ng trapiko ay nagdudulot din ng grabeng air pollution hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa iba pang siyudad sa bansa.
Ang kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” ay ipinatupad ng LTFRB noong nakaraang Enero na ang layunin ay maisakatuparan ang modernisasyon ng mga jeepney. Ipinag-utos ni Pres. Rodrigo
Duterte na walisin na sa mga kalsada ang mga lumang jeepney para maisakatuparan ang modernisasyon. Nagbanta si Durterte na kung hindi aalisin ng driver-operator ang kanilang kakarag-karag na jeepney, siya ang magwawalis sa mga ito. Wala na raw makakapigil sa modernisasyon ng jeepney.
Ang mga lumang sasakyan, na gaya ng jeepney ang nagdudulot ng grabeng pollution sa Metro Manila at mga karatig na lungsod at bayan. Maraming sakit ang nakukuha sa air pollution: pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Ipagpatuloy ang kampanya laban sa mga lumalason sa kapaligiran. Ituloy ang jeepney modernization at hindi dapat matakot sa bantang tigil pasada ng transport group na Piston.
Nararapat namang tulungan ang mga operator at driver na gustong magkaroon ng mga modernong dyipni. Hindi sana mataas ang interes ng ipauutang sa kanila para hindi sila malubog sa utang.
- Latest