Malaki ang mundo pero ito’y holen
sa kamay ng Amang lumikha sa atin;
maliit man ito’y kaiba ang dating
iba’t ibang kulay masarap hipuin!
Ang ating daigdig talagang kaiba
namumukod tangi sa kulay at ganda;
kaya natutuwa itong Diyos Ama
na laging hawakan sa tuwi-tuwina!
At isang araw nga itong ating mundo
kanyang pinaikot na parang turumpo;
natuwa pa siya na ipasok ito
sa baywang na bulsang lalagyan ng relo!
Habang nasa bulsa ang ating daigdig
ang ramdam ng Ama ito ay nag-init;
kinuha ng Ama at kanyang nilinis
subalit dumulas nahulog sa tubig!
Ang tubig ay bahang nagdulot ng lagim
sa ting naroon sa loob ng holen;
mga lungsod, bayan na tahanan natin
tayong mga tao ay nagsidalangin!
Dalangin ng tao’y narinig ng Ama
kaya dali-daling holen ay kinuha;
hinango sa tubig at pinunasan pa
kaya itong mundo ay lalong gumanda pa!
Ang bundok, ang dagat, ang langit at lupa
sa ating daigdig kulay na magara;
sa tuwa ng Diyos holen ay ginawang
pangunahing bato sa singsing ng Ama!