UMALMA na raw ang Palasyo sa mga pinangalanan ng China na mga lugar sa ilalim ng karagatan sa Philippine Rise. Inaprubahan ng International Hydrographic Organization ang limang pangalan na panukala ng China noong 2017. Ang mga lugar ay nasa loob ng “legal continental shelf” ng Pilipinas. Ginawa umano ang pagsisiyasat ng China sa lugar noong 2004 pa, pero isinumite ang mga panukalang pangalan noong 2014 at 2016. Lumalabas na ngayon lang nalaman ng bansa ang ginawa ng China.
Minaliit naman ni Senate President Koko Pimentel ang ginawa ng China. Ano pa ba ang aasahan natin sa mga kaalyado ni Pres. Rodrigo Duterte kundi ipagtanggol ang kahit anong gawin ng China? Kinumpara sa pagbigay ng pangalan ng Amerikano sa Benham Rise. Hindi naman daw tayo nabahala. Una, Ang Amerikano ang nakadiskubre sa lugar, kaya siya ang unang nagbigay ng pangalan. Pangalawa, eh di tanungin niya si Duterte kung bakit pa kinailangang palitan sa Philippine Rise kung wala naman palang isyu. At pangatlo, sinong bansa ba ang umaangkin ng halos lahat na lang sa karagatan? Alam ko hindi naman ang US. Dapat lang umalma ang Pilipinas sa ginawang pagbigay ng pangalang Tsino sa mga lugar na saklaw naman ng ating soberenyang karapatan.
Ayon kay Dr. Jay Batongbacal, dapat noon pa umalma ang Pilipinas sa pagbigay ng pangalan ng China sa mga lugar sa Philippine Rise. Baka huli na ang pag-alma ngayon ng gobyerno, bukod sa alam natin na ayaw galitin ng administrasyong Duterte ang China. Hindi rin alam kung mababawi pa ang pagbigay ng mga pangalang-Tsino. Pero alam ba ng administrasyong Arroyo na nagsiyasat ang China sa Benham Rise noong 2004? Nagpaalam ba ang China sa Pilipinas? Pinaalam ba ng International Hydrographic Organization sa Pilipinas noong 2014 at 2016 na may panukala ang China na pangalanan ang ilang lugar sa Philippine Rise? O naging kampante na lang lahat dahil wala namang mag-aangkin ng bahagi niyan ng karagatan? Pero wala talagang pagkabusog ang China pagdating sa teritoryo. Nasa kabilang bahagi na nga ng Pilipinas, gustong isawsaw pa rin ang mga daliri nila.