Ang araw

Madilim ang lahat ang dagat at bundok,

ang ibon, ang tao, halaman at hayop;

wala kang makita lahat ay alabok

wala rin ang anak ng dakilang Diyos!

 

Dahil sa madilim ang buong daigdig

ang lahat ng bagay di mo mamamasid;

ang mata ng tao walang masisilip

kundi kadilimang ang dulot ay hapis!

 

Dahil sa madilim ay para ano pa

ang mga nilikhang nabuhay sa lupa?

taong magagaling mayaman at dukha

saka ang pag-ibig ay mayroon pa kaya?

 

Kaya sa masdang liwanag ng araw

ang buong daigdig ay naliwanagan

ito’y bolang apoy na hawak sa kamay

ng dakilang Diyos na tayo ay mahal

 

Dahil ang Diyos lubhang maawain

lahat ng nilikha kanyang papalain;

sa umaga palang sa ating paggising

hanggang sa pagtulog ay alaga pa rin!

 

Kaya sa umagang mainit maulan

nagbabagang bola hawak ng maykapal;

sakay ng karwahe na maraming laman

lahat ng buntala, bituin at buwan

 

Kaya nga kay ganda ng umagang ito

pagkat ang liwanag laganap sa mundo;

ang sinag ng araw abot sa bansa ko’t

dapat pasalamat tayong Pilipino

Show comments