EDITORYAL - LTO na ang gagawa ng mga plaka

HINDI na kailangang ipakontrata pa ang pagpapagawa ng mga plaka ng sasakyan sapagkat kayang-kaya naman itong gawin ng Land Transportation Office (LTO). Maraming mahuhusay na tauhan ang LTO na sanay gumawa ng plaka kaya bakit ipakokontrata pa.

Noong Huwebes, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante na balak nilang gawin ang mga plaka ng sasakyan sa mismong compound ng ahensiya sa East Avenue, Quezon City.

Ang kailangan lamang umano nila ay modernong equipment para sa produksiyon ng mga plaka. Sabi ni Galvante, ang bibilhing equipment ay ilalagay mismo sa LTO compound sa Quezon City at dito gagawin ang mga plaka. “Mas makakatipid dito at mas convenient,” sabi ng LTO chief. Gayunman, hindi niya sinabi kung kailan bibili ng equipment at kung magkano ito. Sabi pa ng LTO chief, maraming tauhan aniya ang ahensiya na may sapat na kaalaman sa plate making.

Matagal nang may Plate Making Plant sa LTO compound at noong panahon ng P-Noy administration ay nag-ooperate pa ito. Kaya nakapagtataka kung bakit ipinakontrata pa noong 2013 ang pagpapagawa ng mga plaka. Nanalo sa kontrata ang Kniereim BV Goes and Power Plates Development Concept Inc. (JKG-PPI), isang Dutch-Filipino consortium. Nagbayad ng P3.8 bilyon ang LTO.

Hindi naideliber ng JKG-PPI ang 700,000 car plates sapagkat wala silang pambayad ng Customs duties. Pinigil ng Customs ang may 11 containers ng car plates. Kasunod ay ang pag-iisyu ng TRO ng Supreme Court na pumipigil sa distribution ng plaka noong 2016. Dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan ng contractor, lumobo ang mga sasakyang walang plaka. Noon lamang naka­raang linggo inalis ng SC ang TRO.

Hind na dapat ipakontrata ng LTO ang paggawa ng mga plaka sapagkat kaya nila itong gawin sa mismong bakuran. Hindi na kailangang gumastos ng bilyon para rito. Magkaroon na ng aral ang LTO sa nangyaring kapalpakan ng nakalipas na administrasyon. Tama na ang isang pagkakamali.

Show comments