TATLONG taon na ang nakararaan mula nang maganap ang pagmasaker sa 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF). Subalit magpahanggang ngayon, wala pa ring closure sa pangyayaring ito. Ang sakit na naramdaman ng mga kaanak ng SAF 44 ay maantak pa rin. Sariwa pa ang sugat at habang ginugunita ang ikatlong anibersaryo, lalo nang umantak ang sugat. Isinisigaw nila ang katarungan para sa minasaker na SAF. Hanggang kailan daw sila maghihintay? Mayroon nang mga sinampahan ng kaso, kabilang si dating President Noynoy Aquino pero saan daw ito hahantong.
Sabi ng Malacañang noong Huwebes, ginagawa nila ang lahat ng paraan para makamit ng mga kaanak ang hustisya. Hindi raw nalilimutan ang kabayanihan ng 44 na miyembro ng SAF. Tiniyak ng pamahalaan na makakamit ang hustisya.
Pero kailan makakamtan? Ito ang tanong ng mga kaanak. Kung magkakaroon daw ba uli ng imbestigasyon ay may mahuhukay nang katotohanan? Mayroon na bang malalaman sa totoong nangyari.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Senado noong 2016, nagturuan ang military general at mga dating opisyal ng Philippine National Police na may kinalaman sa “Oplan Exodus”. Itinuturo ng military general ang dating hepe ng Special Action Force na hindi nakipag-coordinate sa kanila kaya hindi nabigyan o napadalhan ng tulong habang nakikipagbakbakan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Pero itinanggi iyon ng dating hepe, maaga pa lamang ay humingi na siya ng artillery support sa AFP. Pero walang dumating na tulong. Dahil hindi nasaklolohan, nalagas ang 44 na miyembro ng SAF. Ang 44 ang nagsilbing blocking force sa mga sumalakay sa kubo ng teroristang si Marwan. Napatay si Marwan.
Halos pitong oras na nakipaglaban ang SAF 44 sa MILF at BIFF pero walang tumulong sa mga ito. Hinayaang patayin ang mga police commandos. Isang malaking katanungan kung bakit hindi nasaklolohan ng AFP ang mga nasukol na SAF 44. Ano ang nangyari? Ito ang paulit-ulit na tanong ng mga naulila.
Hindi dapat malimutan ang trahedya. Huwag hayaang matambak ang pangyayaring ito at mawala na lamang sa alaala.