EDITORYAL - Kawawang mga guro
KAPAG nagkakaroon ng pagtataas sa sahod ang mga kawani ng gobyerno, laging nahuhuli ang mga guro. Hindi agad maitaas ang kanilang mga sahod gayung napakahalaga ng ginagampanan nilang papel sa lipunan. Kung wala ang mga guro, wala ang mga matataas na lider ng bansa. Mga guro ang humubog sa isipan ng mga bata at malaki ang kanilang ginampanang papel para maging responsableng mamamayan. Kaya nakakaawa ang mga guro sapagkat lagi silang naisasantabi kapag nagkakaroon ng increase sa sahod. Nakakalimutan lang ba o talagang sinasadya na huwag silang iprayoridad?
Bago pa pumasok ang 2018, inihayag ni Pres. Rodrigo Duterte na hindi lamang mga pulis at sundalo ang magkakaroon ng increase sa kanilang suweldo kundi pati na rin ang mga guro sa pampublikong eskuwelahan. Pero hindi nagkatotoo ang pangako ni Digong sa mga guro, sapagkat sa 2020 pa pala sila magkakaroon ng increase.
Napakasaklap naman nito sapagkat tatlong taon pa ang hihintayin bago matanggap ng mga guro ang kanilang increase. Bakit kailangang paghintayin nang matagal ang mga guro? Mayroon bang problema sa kanila?
Kung tutuusin, mas malaki ang responsibilidad ng mga guro kaysa mga pulis at sundalo. Ang mga guro ang ikalawang magulang ng mga bata sa school. Ang mga guro ang gumagabay sa mga bata para hindi maligaw ng landas. Sa panahon ng eleksiyon, ang mga guro ang laging tumutulong. Kapag may kalamidad -- gaya ng bagyo, lindol at pagbaha, ang mga guro rin ang tumutulong sa paghahatid ng relief goods at iba pang pangangailangan.
Pero sa kabila nito, hindi pa rin sila madagdagan ng suweldo at kailangang maghintay pa ng tatlong taon. Nasaan naman ang konsensiya rito? Bakit ang mga pulis at sundalo ay agad nabigyan ng increase subalit ang mga guro ay hindi.
Kawawang mga guro!
- Latest