Ang buwan

Ikaw at ang buwan sa aki’y iisa

ang mukha mo’y buwang aking sinisinta;

nang minsang magtago sa ulap ang ganda

pusong nagmamahal biglang nangulila!

 

Nang ang liwanag mo ay muling magningning

diwa ko’y naghangad na kita’y akyatin;

mataas na langit nais kong marating

upang kahit sinag ay aking maangkin!

 

At nang ang mukha mo’y nag-iba ng anyo

parang bangkang pilas na kakapiraso;

lalo kong hinangad tayo’y magkasuyo’t

tayo’y magkaangkas -- b’yaheng paraiso!

 

Kung araw ang buwan ay hindi matanaw

pagka’t nagtatago sa init ng araw

pag ito’y lumantad kung gabing mapanglaw

masaya ang gabi -- maganda ang buhay!

 

Napagod ang puso at ako’y naidlip

liwanag ng buwan sa dampa’y sumilip,

ikaw pala mutya’y di na panaginip

pagka’t tayong dalawa’y nasa isang banig!

Show comments