MALIBAN sa kampo ni dating Palawan governor Joel Reyes, walang natutuwa sa desisyon ng Court of Appeals na ibasura ang kaso laban kay Reyes para sa pagpatay umano kay Dr. Gerry Ortega. Pinalaya si Reyes sa botong 3-2 ng Court of Appeals noong nakaraang linggo. Nagpahayag ng dismaya ang tagapagsalita ng Palasyo na si Harry Roque, na dating abogado ng pamilya ni Ortega. Inilabas din ng dalawang kumontra na hurado ang kanilang hindi pagsang-ayon na palayain si Reyes. Hindi rin sumang-ayon si Solicitor General Calida sa desisyon. Hihiling daw ang administrasyon na bawiin ang nasabing desisyon sa Korte Suprema. Mga abogadong kilala ko ay pareho ang opinyon. Kailangan sa korte raw sinasala kung ang ebidensiya ay sapat para patunayan ang pagkakasala o pagiging inosente ni Reyes. Hindi pa raw nangyayari ito.
Nakalaya nga si Reyes, pero batay sa mga pahayag at mga plano ng administrasyon mismo, tila hindi pa tapos ang laban ng pamilya Ortega para makamit ang hustisya. Nagulat nga ako sa pahayag ng hurado na hindi raw indikasyon ng pagkakasala ang pag-iwas at pagtago sa batas. Tatlong taon nagtago ang magkapatid na Reyes, at nahuli lang sa Phuket, Thailand noong 2015. Masarap ang kanilang pamumuhay doon bago nahuli. Delikado ang pahayag na ito mula sa hurado ng Court of Appeals. Baka gawing batayan na ng lahat ng tumakbo at nagtago mula sa batas, na hindi ibig sabihin ay may sala na sila. Kapag may mapatay na naman dahil sa hazing at tumakbo ang pangunahing suspek, hindi na ito ibig sabihin may sala siya?
Dapat nga maangat sa Korte Suprema ang kasong ito. Magiging batayan lang ng maraming kaso ang nasabing desisyon. Kahit wala pang pormal na paglilitis ng mga kaso ay pwede na palang ibasura ang mga testimonya at ebidensiya, ayon sa tatlong hurado ng Court of Appeals. Mailap pa rin ang hustisya para sa mga biktima umano ng mga makapangyarihang tao. Kung ordinaryong tao si Reyes, pinalaya rin kaya ng Court of Appeals, kahit may mga testigong nagsalita, kahit tatlong taong nagtago at umiwas sa batas? Ano sa tingin ninyo?