Kailan babalik?
Bayang sinilangan -- Candelaria, Quezon
probins’yang Tayabas tawag dito noon;
sabi’y ang Espanya siyang panginoon
Rizal, Bonifacio ay nagrerebolusyon!
Maraming iba pang bayani ng bansa
ang nakipaglaban sa mga Kastila;
nang ang bansang Hapon sa ati’y nagnasa
tayo ay sinakop, ginawang kawawa!
Sa Baler, Tayabas biglang isinilang
si Manuel L.Quezon na may diwang paham
kalayaan natin kanyang inilaban
hanggang sa lumaya itong ating bayan!
Nang tayo’y lumaya kaming mga bata
ay naging masigla at nag-aral pa nga;
habang naglalaro kami’y maligaya’t
ang mga bilihin ay naging mamera!
Ang mga kalaro’y batang kapitbahay
at kilala kami ng mga magulang;
mga ama’t ina ay nagbabatian
sa ulam at kanin ay nagbibigayan!
Sa mga tindahang malapit sa iskul
sa iisang pera pansit isang bunton
ang lapis at papel nahihingi noon
at ang mga aklat palibre maghapon!
Kailan babalik panahong ganito
na lubhang maluwag pamumuhay dito?
kahit ang daigdig ay bata pang mundo
walang naghihirap kahit bumabagyo!
- Latest