MINAMALIIT ng Sanofi Pasteur ang balita na limang bata ang namatay sa dengue fever sa Bataan, Bulacan, at Tarlac matapos iniksiyunan ng Dengvaxia. Dinedepensahan nila ang gawa nilang bakuna. Lumabas na palpak pala ang bakuna dahil ang mga hindi pa nagkaka-dengue infection ay nagkaka-malubhang sakit kung makagat ng lamok matapos mainiksyunan.
Dapat imbestigahan ang sinomang opisyal ng Dept. of Health na nagmamaliit sa limang kamatayan. Kahina-hinala sila. Nalantad na ang panunuhol ng Sanofi sa America, Europe, at Africa para maaprubahan ng o mabenta sa mga gobyerno ang mga produkto nila.
Sinasabi ng mga nagmamaliit na wala raw direktang koneksiyon ang pagkamatay sa pag-iniksyon ng Dengvaxia. Kasi ni wala naman daw autopsy tungkol dito. Panis ang palusot na ‘yan.
Baliktarin natin ang pananaw. Kung walang autopsy, e di hindi rin matitiyak na wala ngang kinalaman ang bakuna sa pagkamatay ng lima. Ibig sabihin, maaring konektado: nasawi ang mga bata sa hemorrhagic fever matapos makagat ng lamok nang iniksyunan. Ibig sabihin, kasalanan nga ng Dengvaxia.
Mahigit 830,000 batang edad-9 ang binakunahan ng Dengvaxia mula Abril 2016 hanggang Abril 2017. Hindi muna sila na-blood test kung naimpekta na o hindi ng dengue bago bakunahan. Maaring naimpekta pero hindi nagkalagnat at bumagsak ang platelets. Dapat na assumption ay lahat sila’y hindi pa dati naimpekta. Kaya lahat sila ay maari magka-grabeng impeksiyon kung makagat ng dengue mosquito.
Kung gan’un, dapat bantayan ng DOH nang ilang taon lahat ng 830,000 bata na ininiksyunan. Lahat sila ay nanganganib ang buhay sa dengue infection. Dapat obligahin ang Sanofi na maglaan ng pondo para sa pagbantay sa mga bata. Aabutin ‘yan ng malaking halaga. Ang sinumang tumutol ay malamang na tutang palamunin ng Sanofi.