UMABOT na sa 42 ang naitala ng DOH ng mga nasugatan ng paputok mula 6:00 a.m. ng Disyembre 21 hanggang 6:00 a.m. ng Disyembre 27. At tulad ng mga nakaraang taon, ang piccolo ang salarin. Bagama’t mas mababa na ang tala ng mga nasaktan ng paputok itong taon kumpara sa mga nakaraang taon, walang saysay ang impormasyong ito kung ang anak mo ang isa sa mga naputulan ng daliri, o kaya nabulag. Hindi ko nga alam, kung tunay na mahigpit na ang gobyerno laban sa pagbenta ng piccolo, bakit may mga nakakabili pa nito? Bakit may mga nakakapagbenta pa nito sa mga bata? Kung may matukoy, kailangang ipakulong na ang mga ito kaagad.
Dalawang pulis naman ang masisibak na mula sa serbisyo dahil nagpaputok ng baril habang nakainom. Mabuti naman at mahigpit ang PNP ngayon sa mga pulis na nagpapaputok ng baril nang walang dahilan o saysay. Sa tingin ko nga, ito ang pinaka-mapanganib sa lahat, pulis na nakainom. Hindi dahilan ang kalasingan para magpaputok ng baril, pulis pa man din. Sana naman ay magsilbing babala na ito sa lahat ng mga pulis, lasing man o hindi, lalo na’t papalapit na ang pagdiriwang ng bagong taon. May apat na sibilyan na nahuli rin na nagpaputok ng baril. Ang ayaw nating mabalitaan ay may natamaan na naman ng ligaw na bala. Wala pa yatang nahuhuli sa mga nakaraang insidente ng napatay ng ligaw na bala, mga bata pa ang ibang biktima.
Ang payo ko sa lahat, manood na lang ng fireworks display tuwing bagong taon sa mga mall, hotel, at ilang lokal na pamahalaan. Ligtas na sa pinsala, hindi pa gumastos. Maging ligtas ang bagong taon. Hindi masayang magdiwang ng bagong taon na balot na balot ng gasa ang kamay o mata, o matamaan ng ligaw na bala. Inaasahan ko na gagampanan ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin para maging ligtas ang pagdiriwang ng bagong taon.