NAKA-BAKASYON pa ba ang utak mo matapos ang long weekend? Yugyugin natin sa isang short quiz. Bawal gumamit ng lapis at papel. Sa utak lang suriin o kuwentahin ang mga sagot sa apat na tanong. May bonus question pa. Kailangan mabilis ang sagot. Malalaman dito kung gaano ka katalas ... o kapurol. Ready? Get set. Go!
Tanong 1: Kasali ka sa isang karera. Nilampasan mo ang pumapangalawa. Ano na ang puwesto mo?
Sagot: Kung ang isinagot mo’y nangunguna ka na, maling-mali ka. Kasi, kung nilampasan mo ang pumapangalawa, e di inagaw mo ang posisyon niya; ikaw na ngayon ang pangalawa. Galingan mo sa susunod!
Tanong 2: Kung nilampasan mo ang kulelat, ikaw ang pang-...?
Sagot: Kung ang isinagot mo ay ikaw ang pangalawa sa kulelat, mali na naman. Sige nga, ipaliwanag mo kung paano mo lalampasan ang kulelat? Gising na, please, gising na. Kasunod, simpleng arithmetic naman. Walang lapis, papel, o calculator. Game ka na ba?
Tanong 3: Magsimula sa 1000 at dagdagan ng 40. Dagdagan ng isa pang 1000. Dagdagan ng 30. Dagdagan muli ng 1000. Ngayon naman dagdagan ng 20. Tapos isa pang 1000. At dagdagan ng 10. Ano ang total?
Sagot: 5000 ba kamo? Ang tamang sagot ay 4100. Ayaw mo maniwala? Sige gumamit na ng calculator. Mukhang bakasyon pa talaga ang utak mo. Siguro naman tatama ka na sa huli.
Tanong 4: Lima ang anak ng tatay ni Maria. Panganay si Nana. Pangalawa si Nene. Kasunod si Nini. Tapos, si Nono. Sino ang bunso?
Sagot: Nunu? Siyempre hindi. Ang bunso ay si Maria. Basahin uli ang tanong. O sige, huli mo nang pagkakataon ito.
Bonus na tanong: May pipi na bumibili ng sipilyo. Nagmuwestra siya ng pagsisipilyo, kaya nagkaintindihan sila ng tindera. Merong bulag na bibili ng sunglasses. Paano niya ito ipapahayag?
Sagot: E di sabihin niya nang diretso; hindi naman siya pipi.