EDITORYAL - Komportableng pamumuhay
MARAMING mahirap at sumasala sa pagkain. Maraming walang trabaho at maayos na tahanan. Marami ang hindi nahahatiran ng tulong ng gobyerno sapagkat kinukurakot at maraming bata ang nananatiling salat sa edukasyon. Marami rin ang hindi nakakatikim ng gamot o makapagpaospital at inaabutan na lamang ng kamatayan sa mga liblib na lugar dahil sa kakapusan sa bahay. Marami ang wala pang kuryente at malinis na tubig sa mga malalayong lugar kaya marami ang nagkakasakit. Marami ring lugar sa bansa ang walang kalsada kaya hindi mailuwas ng mga magsasaka ang kani-kanilang produkto sa bayan para maibenta.
Pero sabi ng Duterte administration, sisikapin nilang magkaroon ng komportableng pamumuhay ang bawat Pilipino. Tutuparin umano ng kasalukuyang gobyerno ang una nang naipahayag ni President Duterte na magkakaroon nang maayos at ligtas na pamumuhay ang mamamayan. Idedeliber umano sa mamamayan ang mga una nang naipangako noong nangangampanya pa lamang ang Presidente noong 2016.
Maraming nagtitiwala kay Duterte. Mataas ang expectation sa kanya nang nakararaming Pinoy. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa huling tatlong buwan (Okt-Nob-Dis), nadagdagan ng 10 points ang satisfaction rating ni Duterte. Binigyan siya ng “very good” rating. Mula +48 noong Setyembre naging +58 ngayong Disyembre ang rating ni Duterte, ayon sa SWS.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, magsisilbing inspirasyon sa Presidente ang pinagkaloob na pagtitiwala para lalo pang magtrabaho at mabigyan nang maayos na pamumuhay ang mamamayan. Hindi raw mabibigo ang publiko.
Marami ang umaasam na sa papasok na 2018 ay matutupad na ang mga pangako ng Presidente. Hindi na pawang pag-asam na lamang. Kailangang maramdaman na ang pagbabago at ang kaluwagan ng buhay. Hindi na dapat paghintayin pa nang matagal ang mamamayan.
- Latest