Bagong Taon na kaya bagong buhay
Laging naririnig kapag dumaratal
Ganitong panahon at ganitong araw
Na ang lumang taon ating tinalikdan!
At nagbago na nga takbo ng panahon
Ang datihang ngayon isa nang kahapon
Ang oras ang araw matuling tumalon
Ang matandang taon naging bagong sanggol!
At ang taong 2017 naging taong 2018
Na inaasahang sa kanyang pagdating
Ay magbabago na hikahos na buhay natin
Nang maraming kababayang giliw!
Nagbago na nga ba itong kalayaan
Nang marami nating mga kabataan
Sila ba’y wala na sa mga lansanga’t
Di na umiinon ng drogang kalaban?
Sa dami ng problemang ating naranasan
Pagtaas ng kuryente’t tubig di maiwasan
Mga pangunahing bilihing nagtataasan
Anong bagong taon pa kanyang gigisnan!
Pero nagbago ba itong buhay natin?
Naging masagana ba ang mga bukirin?
Bakit ang istambay ay istambay pa rin
At lalong dumami ang walang gawain!