NAGSIMULA na ang pagdinig sa Senado hinggil sa Dengvaxia, ang kontrobersyal na bakuna na ginamit sa isang pambansang programa ng pabakuna ng DOH. Nais malaman kung may pagkukulang ang gobyerno sa pagbigay ng bakuna, kung minadali ang pagbili at pagbigay ng bakuna, kung hindi muna inalam nang husto ang mga maaaring peligro nito, kung hindi inilabas lahat ng Sanofi Pasteur ang impormasyon tungkol sa Dengvaxia.
Ang sentro ng kontrobersiya ay kay dating DOH secretary Janette Garin, na nagpatupad ng pabakuna sa tatlong rehiyon kung saan laganap umano ang dengue. Bago ang pagdinig sa Senado, nagpaliwanag na siya hinggil sa Dengvaxia. Wala raw anomalya sa pagbili nito, at sinunod naman daw nila ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO). Ang problema ngayon ay ang turuan na nagaganap. Kesyo kasalanan daw nito, kasalanan niya. At nagtataka nga ako ngayon kung bakit tila naglalabasan ang mga nagpahayag umano ng babala hinggil sa Dengvaxia.
Bakit ngayon lang nagsasalita ang mga iyan? Noong pinatupad na ang pagbigay ng bakuna sa mga bata, bakit hindi sila umalma? Kung talagang peligroso ang Dengvaxia tulad ng sinasabi nila ngayon, bakit hindi nila pinaalam ang kanilang opinyon noong binibigay na sa mahigit 700,000 bata? Ang nangyayari ngayon ay lahat nagsasalita na, kung kailan nalagay na sa peligro ang mga bata. O hindi lang ba sila pinakinggan ni Garin? Ito ang inaalam sa Senado.
Pero ang kailangan pa ring magpaliwanag nang husto ay ang Sanofi Pasteur. May mga nagsasabi na baka hindi pa kumpleto ang pag-aaral hinggil sa Dengvaxia. Totoo ba iyon? Hindi ba kumpleto o masinsinan ang pag-aaral ng Sanofi tungkol sa mga maaaring epekto ng Dengvaxia? Tandaan na ngayon lang lumalabas ang pahayag ng Sanofi, at hindi noong ibinigay ang bakuna sa mga bata.