Bagong taon na kaya bagong buhay
laging naririnig kapag dumaratal
ganitong panahon at ganitong araw
na ang lumang panahon ating tinalikdan
At nagbago na nga takbo ng panahon
ang datihang ngayon isa nang kahapon
ang oras ang araw matuling tumalon
ang matandang taon naging bagong sanggol
Nagbago na nga ba itong kalayaan
nang marami nating mga kabataan
sila ba’y wala na sa mga lansanga’t
di na umiinom ng drogang kalaban
Pero nagbago ba itong buhay natin
naging masagana ba ang mga bukirin
bakit ang istambay ay istambay pa rin
at lalong dumami ang walang gawain
Saka totoo bang sa mga pasyalan
di na nakikita ang kabinataan
mga dalaginding at kadalagahan
di na nagdi-date sa labas ng bahay
Kung totoo ito’y ating masasabi
na nagbago na nga buhay nang marami
at sa bagong taon ang s’yang naghari
kabutihang asal marangal na lahi