KAHAPON, apat na beses nagkaaberya ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3). Pinababa na naman ang mga pasahero dahil tumirik sa Cubao Station (southbound) dakong alas otso ng umaga. Pagsapit ng alas nuwebe ng umaga, muling tumirik ang MRT-3 sa Magallanes Station (south bound). Dakong hapon, dalawang beses pang nagkaaberya ang MRT-3.
Mas malubha ang nangyari noong Linggo ng umaga sa MRT-3 sapagkat hindi lamang tumirik kundi nagliyab pa ang isang bagon habang nasa pagitan ng Cubao at Kamuning Station. Nang makita ng mga pasahero na nagliliyab ang bagon, nag-panic ang mga ito at nag-unahan sa pagbaba. Isang 55-anyos na babae ang nasugatan sa kanang paa nang sumabit ito sa pintuan dahil sa pagmamadali na makababa. Bakas sa mukha ng mga pasahero ang takot nang makita ang nagliliyab na bagon. Unang naisip nila ay makukulong kaya nag-panic sa pagbaba.
Noong nakaraang linggo, dalawang beses nagkaaberya ang MRT at sa mga nangyayaring ito, tila wala namang ginagawang hakbang ang Department of Transportation (DOTr) kung paano mabibigyan ng tama at mabuting serbisyo ang mga pasahero ng MRT-3. Walang nakikitang aksiyon sa palpak na serbisyo ng maintenance provider na Busan Universal Rail Inc. (BURI).
Noong nakaraang buwan, sinabi mismo ng DOTr na mula Enero 2016 hanggang Hunyo 2017 ay nagkaroon na ng 3,824 na aberya ang MRT-3. Ngayon ay Nobyembre at sa dami pa ng nangyaring aberya baka umabot na ito sa 4,000. Ayon kay DOTr Undersecretary fo rails Cesar Chavez, hindi na sila masaya sa nangyayari sa MRT-3. At kung siya lamang umano ang masusunod, gusto niyang kanselahin ang kontrata ng kasalukuyang maintenance provider ng MRT-3. Ayon kay Chavez, bigo ang BURI na maibigay ang safety at reliability ng train system sa bansa.
Kahapon, kinansela na ang kontrata ng BURI, ayon sa DOTr. Pinal na raw ang desisyon na ito kaya maaaring may bago nang maintenance provider ang MRT-3. Kung totoo ito, maraming commuters ang magpapasalamat. Pero hangga’t walang nakikitang pagbabago sa MRT-3 hindi pa rin dapat magpakasaya ang daang libong commuters. Kailangang madama at maranasan muna ang serbisyo na matagal na pinagkait sa riding public. Saka lamang masasabi na tapos na nga kalbaryo.