EDITORYAL - Alyansa sa pagbabago

“HINDI ito bahagi ng anumang kampanya para tumakbo sa anumang posisyon. Hindi ito tungkol sa akin o para sa aking sarili. Hindi ito tungkol sa aking mga plano para sa pulitika. Alam naman nang lahat na kapag nagsimula kang kumilos na may kaugnayan sa pulitika, tiyak na sisi­rain at gigibain ka. Kaya ang alyansang ito ay hindi para sa pulitika kundi para sa kagalingan ng ating bansa,” sabi ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nang pangunahan ang paglulunsad ng alyansang sumusuporta sa mga programa ng kanyang amang si President Rodrigo Duterte na ginanap sa Taguig City noong Lunes na dinaluhan ng Cabinet Secretaries, mga pulitiko, mga mayor sa Metro Manila at governor. Tinawag itong “Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines”.

Ang paglulunsad ng alyansa ay nataon naman sa pagwawakas ng labanan sa Marawi City kaya isa sa pangunahing layunin ng alyansa ay matulungan ang pamahalaan para sa mabilisang rehabilitasyon ng Marawi at nang makabangon ang mga residente na limang buwan ding sinalanta ng labanan makaraang salakayin ng teroristang Maute.

Layunin din naman na matulungan para ganap na masugpo ang kahirapan, malabanan ang illegal na droga, kriminalidad at ganundin ang pagtataguyod ng makabuluhan at tunay na kapaya­paan sa bansa. Hangarin din ng alyansa na magkaroon ng positibong enerhiya ng pagkakaisa at pagbubuklod-buklod para makamit ang pag-unlad ng Pilipinas.

Makabuluhan at napapanahon ang paglulun­sad ng alyansa. Sa nangyayari ngayon na nagkakawatak-watak dahil sa pulitika, kailangan ngang maglimi-limi ang lahat arukin ang nararapat sa bansa. Ang suporta ay nararapat ipagkaloob para ganap na makamtan ang hinahangad na pag-unlad ng bansa. Itigil na ang mga pagbabangayan at mga walang batayang batikos. Hindi dapat manira. Ka­ilangang umusad ang bansa at iyan ay matatamo sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa. Wala nang iba pa.

Show comments