EDITORYAL - Modernisasyon ng jeepney
MAGPAPATULOY ngayong araw na ito ang tigil pasada ng transport group na Piston. Kahapon nagsimula ang tigil pasada ng may 20,000 miyembro ng Piston sa bansa. Dahil sa tigil pasada, sinuspinde ng pamahalaan ang pasok sa school, government offices at mga korte sa buong bansa kahapon. Wala namang anunsiyo kung sususpendihin uli ang pasok ngayon sa school at mga tanggapan.
Tanging ang Piston lamang ang nagsagawa ng tigil pasada kahapon at nakapagtataka ito sapagkat maski ang mga transport group ay hindi nagkakaisa. Hindi sumama ang Stop and Go Coalition na dalawang beses nang nagsasagawa ng tigil pasada ngayong taon. Ang huling tigil pasada ng Stop and Go ay noong Agosto na hindi naman naging tagumpay.
Ang tanging kasama ng Piston sa kanilang tigil pasada kahapon ay ang mga militanteng grupo na kinabibilangan ng Kadamay na naging pamoso sa pang-aagaw ng bahay sa San Jose del Monte, Bulacan. Sumama rin ang grupong Gabriela.
Tutol ang Piston sa modernisasyon ng jeepney. Tutol din sila sa phase-out. Ang gusto nila ay i-rehabilitate ang mga jeepney. Ganito rin naman ang katwiran ng Stop and Go. Saan daw kukuha ng perang ipambibili ng pagkain ang mga jeepney driver kung ipi-phase-out ang mga jeepney. Puwede pa raw naman ang kanilang mga jeepney kaya bakit ipi-phase-out. Hindi raw nila kakayanin ang bagong presyo ng jeepney ayon sa planong modernisasyon. Ang kikita lang daw ay ang manufacturer. Hindi raw sila papayag kaya tuloy ang tigil pasada.
Hindi naiintindihan ng Piston ang plano ng pamahalaan sa modernisasyon ng jeepney. Hindi naman ipi-phase-out ang jeepney kundi ang aalisin lang ay ang mga kakarag-karag o edad 15 taon pataas. Tutulungan ang operators sa pagbili ng bagong jeepney na eco-friendly. Kasama sa modernisasyon ang pagsasanay sa mga jeepney driver sa tamang pagmamaneho. Sa kasalukuyan, maraming jeepney driver ang hindi marunong magmaneho, hindi alam ang traffic signs, marumi ang suot, at walang disiplina sa kalsada.
Ituloy ang modernisasyon. Walisin ang mga bulok na jeepney!
- Latest