^

PSN Opinyon

‘Kulong kay baba’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

KAPAG MAY ISANG kapamilya kang nawalay at umalis nang bansa araw-araw mong iisipin kung ano ang kanyang kalagayan doon. Kumakain ba ng maayos at kung maganda ba ang trato ng kanyang amo sa kanya.

Lahat ng mga magulang handang magsakripisyo at magtiis masiguro lang na ang kanilang pamilya ay mabibigyan ng magandang kinabukasan.

Isa sa nakipagsapalaran sa ibang bansa ay si Pamela Villa na kasalukuyang nagtatrabaho sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Tumawag sa aming numero ang kanyang anak na si Jazzryl. Humihingi sila ng tulong dahil natatakot silang mapahamak ang kanyang ina sa amo nito.

Kwento ni Jazzryl ay matagal na daw sinasaktan ang kanyang ina. Agad silang nakipag-ugnayan sa ahensya nitong Global Professional Resources Phil. Inc.

Umalis ang kanyang ina ay nitong Abril 2017 lamang. Unang reklamo pa lamang daw ng kanyang ina sa pananakit ng kanyang amo ay nagsumbong sila kaagad sa ahensya.

Sabi sa kanila ay ililipat daw ang kanyang ina ngunit nagdaan na ang ilang linggo ay hindi pa din ito naililipat.

Sa halip daw na umaayos ang kalagayan ay lalo lamang daw lumala ang trato sa kanya. Hindi daw ito pinapakain ng maayos at ikinukulong pa sa banyo.

“Pinagtutulungan daw po siya ng kanyang mga amo. Hiniling na ni mama na isauli na lamang siya pero sabi ng amo niya ibalik daw ang ibinayad na sahod sa kanya,” sabi ni Jazzryl.

Binantaan daw siyang papatayin ng kanyang amo kapag lumabas ng banyo kaya kahit gutom na gutom na siya ay nagtitiis na lamang siya.

Halos umaabot ng limang araw na walang maayos na kain ang kanyang ina. Kinakabahan ang kanilang pamilya dahil baka kung ano ang mangyari kay Pamela doon.

Unang beses daw umalis ni Pamela papuntang ibang bansa. Nitong nakaraang linggo mas nahirapan si Pamela kaya nilakad na nina Jazzryl ang pwede nilang malapitan kasama ang kanyang step father para maaksyonan ang problema ng kanyang ina.

Nakikipag-ugnayan daw sila sa ahensya nito ngunit hindi nila alam kung maaaksyonan ng mabilis ang kanilang problema.

Lumapit na din daw sila sa Overseas Workers Welfare Association (OWWA) at ganun na din sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ngunit mukhang matatagalan pa daw ang kanilang reklamo.

“Naghihintay pa po kami ng update sa kanila dahil ang agency pa din daw ang makakapagpauwi sa mama ko,” pahayag ni Jazzryl.

Napag-alaman nila na nag-email na ang OWWA sa agency dito sa Pilipinas at pati na din sa Saudi.

Sabi ng kanila ng ahensya ay inaasikaso naman nila ang problema ng kanyang ina.

Ang pangalan ng amo ng kanyang ina ay Bandar Nashi Falih Alotaibi. Ang nakalagay sa kanyang kontrata ay sa Riyadh dadalhin ang kanyang ina ngunit napag-alaman nilang nasa Dammam ito.

Ang address na nakalagay sa kontrata nito ay iba sa tunay na lokasyon ng kanyang ina.

Nakachat niya ang kanyang ina at sinabi nitong pinagsisigawan siya ni Baba (amo) at sinabi nitong walang pakialam ang ahensya niya sa kanya.

Nahihirapan din daw silang makausap si Pamela dahil kinukuha ng kanyang amo ang gamit nitong cellphone.

Wala naman sanang problema si Pamela kung maayos lamang ang trato sa kanya ng amo.

Dalawang anak  ang naiwan dito sa Pilipinas ni Pamela. Isang labing anim na taong gulang si Jazzryl habang ang bunso nila ay dose anyos pa lamang.

Nagpadala din ng video si Pamela sa messenger para ipakita ang kanyang mga pasa sa katawan dahil sa pambubugbog ng kanyang amo.

Ayon kay Pamela nagulpi siya ng amo at nagkapunit-punit pa ang kanyang damit.

Hiling lamang ni Jazzryl ay masigurong nasa mabuting kalagayan ang kanyang ina. Kung anong paraan ang maaaring gawin upang maialis sa mapanakit na amo si Pamela.

Hiningi namin ang lahat ng detalyeng maaaring maibigay ni Jazzryl para matulungan ang kanyang ina.

Nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang makarating sa embahada ang aming kahilingan na matulungan si Pamela.

Sa ngayon ay nakarating na ang aming email sa embahada at naghihintay na lamang kami ng susunod na report galing sa kanila upang maipara­ting namin sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas ang kanyang kalagayan.

Sa lahat ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibang bansa ibang sakripisyo at pagtitiis ang dinadanas nila.

Hindi dapat sila pinapabayaan ng ahensya at gawan nila ng paraan na mapunta ang ating mga kababayan sa magandang amo na hindi sila sasaktan at pagsasamantalahan.

Ang sinasabi ng amo ni Pamela na ibabalik dapat ang lahat ng sinahod niya ay hindi naman makatarungan. Si Pamela na ang sinaktan at nagtatrabaho naman siya doon bakit kailangan niyang ibalik ang kanyang sinahod.

Unang-unang dapat kumilos ay ang ahensya ni Pamela para makipag-ugnayan sa ahensya sa ibang bansa.

Anumang balita tungkol sa kasong ito ay ibabalita namin kaagad.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with