EDITORYAL - Tuloy ang corruption sa Bureau of Custong

INAMIN mismo ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na mayroon pa ring nangyayaring corruption sa pinamumunuang tanggapan. Tuloy pa rin daw hatian ng “tara” o “suhol” kung Biyernes pero hindi na ito ginagawa sa Customs kundi sa ibang lugar na. Hindi naman sinabi ni Lapeña kung saan ginagawa ang “hatian” pero ang maliwanag, nagpapatuloy pa rin ang corruption sa Customs. Patuloy pa rin ang mga walang kabusugang “buwaya” sa Customs sa kabila na nabulgar na ang mga pangalan ng mga ito nang isiwalat ni Sen. Panfilo Lacson noong nakaraang buwan. Wala na talagang kinatatakutan ang mga kurakot sa Customs.

Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang imbes­tigasyon ng Senado sa P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa Customs. Ang kontrobersiyang iyon ang naging dahilan nang pagre-resign ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon. Sa privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson, sinabi nito na isa si Faeldon sa tumatanggap ng “tara” o “suhol”. Tumanggap din umano ito nang mala­king pera makaraang umupo sa Customs bilang pag-“welcome” dito. Itinanggi naman ito ni Faeldon at sinabing smuggler ang anak ng senador. Noong Lunes, nagpalitan nang maaanghang na salita sina Faeldon at Lacson.

Ang nakayayanig ay ang mga rebelasyon ng Customs fixer na si Mark Ruben Taguba na P92 million ang kanyang inilabas para pambayad ng “tara” sa mga opisyal ng Customs ngayong taon na ito. Ang “tara” ay para maging mabilis ang pag­labas ng kanyang shipment sa Customs. Nagpakita siya ng mga katibayan na katunayan na nagbigay siya ng “tara”.

Sa mga sinabi ni Taguba, talagang talamak ang corruption sa Customs at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Malaking hamon kay Lapeña ang patuloy na corruption sa Customs. Paano kaya niya dudurugin ang mga corrupt? Sana, hindi siya umatras sa mga “buwaya”. Maging matatag sana siya at hindi maduwag.

Show comments