Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
KAPAG NATANGGAP kang magtrabaho sa ibang bansa ibang tuwa ang nararamdaman mo pero habang lumalapit ang araw ng pag-alis mo nalulungkot ka na dahil sa iiwan mo ang buong pamilya mo para kumita ng mas malaki.
Ilan lang ito sa pinagdadaanan ng ating mga kababayang OFW sa buong mundo. Masaya silang mabibigyan ng maganda-gandang buhay ang kanilang pamilya kahit pa ang kapalit nito ay ang pagkawalay nila sa isa’t-isa.
May ilang sinusuwerte at makasumpong ng mabait na amo. Ang iba naman dahil trabaho ang hinahanap ay nagtitiis na lang sa pagmamaltrato at pananakit ng ibang amo may maitustos lang sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Isang kababayan ang humingi sa amin ng tulong, si Jennifer Maglonzo na nagtrabaho sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia bilang Household Service Worker (HSW).
Kahit sinong ina, anak o asawa na nagtatrabaho sa malayo ay ang pinakahihintay nila ay ang araw ng kanilang pag-uwi.
Tumawag sa amin mula Dammam si Jennifer at nakipag-ugnayan din naman sa amin si Christopher Dalmacio upang ihingi ng tulong ang problema ni Jennifer doon.
Hulyo taong 2017 ang tapos ng kontrata ni Jennifer sa amo ngunit ayaw umano siyang pauwiin nito. Natatakot siya dahil lahat ng nawawalang gamit at pera sa bahay na pinagtatrabahuan niya ay ibinibintang sa kanya.
Lumapit sila sa ahensya ni Jennifer para matulungan sila sa problema niya ngunit wala daw aksyon ang mga ito at mukhang walang gagawin ang mga ito para matugunan ang kanilang inilalapit.
Kwento sa amin ni Jennifer ay ni-renew ng kanyang amo ang Iqama niya kaya lalo siyang nag-alala. May binanggit pa daw ito na ililipat siya sa kapatid nito pagkatapos ng kanyang kontrata doon.
Ang Global Asia Alliance Consultant Inc. ang nagpaalis sa kanya sa bansa kaya dito siya humingi ng tulong ngunit mukhang hindi naman daw pinansin ang kanilang hinaing o walang aksyon silang natanggap mula dito.
Alam na alam ni Jennifer na kapag napagbintangan siyang nagnakaw o naipapulis siya kahit wala naman siyang ginagawang mali ay magkakaproblema siya ng malaki at mapupurnada ang kanyang pag-uwi ng bansa.
“Ang employer ko dito ay hindi yun ang nakalagay na pangalan sa kontrata ko bago ako umalis ng Pilipinas,” sabi ni Jennifer.
Nung unang makipag-ugnayan sa amin ni Christopher ay ang tungkol sa hindi pagpapauwi lamang ang kanilang iniisip pero kalaunan ay nangamba ito dahil matagal niyang hindi nakakausap si Jennifer.
Text lang ang naging komunikasyon ng dalawa. Nang makipag-ugnayan si Jennifer sa amin sinabi niyang kinuha ng amo niya ang kanyang cellphone. Pumupuslit lamang siya ng gamit kapag may pagkakataon.
Hiniling ni Jennifer noon sa amin na matulungan siyang mapauwi ng bansa kahit hindi pa tapos ang kanyang kontrata dahil sa ginagawang panggigipit sa kanya ng amo.
Hindi din daw maganda ang trato sa kanya ng amo niya dahil ginagawan siya ng masama kaya’t lalo siyang natatakot.
Lahat ng impormasyong kinakailangan namin ay hiningi namin kay Christopher at ganun na din kay Jennifer.
Palaging nagrereport sa amin ang dalawa kung ano na ang nangyayari sa ating kababayan sa kamay ng kanyang amo.
Nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa tulong ni former Usec. Rafael Seguis.
Nakarating kay Consul General Imelda Panolong ang aming kahilingan ayon sa email na aming natanggap galing sa kanya. Ang paghingi namin ng tulong ay nakarating sa kanya mula kay Ms. Sitti Jaafar at inendorso sa POLO Jeddah nang mapag-alamang nasa Makkah si Jennifer.
Tumawag sa amin si Christopher at pinagbigay alam niya na may tumawag daw kay Jennifer na taga POLO at sinabing hindi siya matutulungan dahil malayo ang kinaroroonan niya sa POLO.
May sinusunod ding patakaran ang ating embahada na kung saan malapit ang OFW ay yun ang dapat na umasikaso ng problema.
Muli kaming nag-email para matulungan si Jennifer dahil galit daw ang kanyang amo nang may tumawag dito at nalamang nagsumbong siya sa kanyang pinagdadaanan doon.
Ika-24 ng Agosto nang makipag-ugnayan sa amin si Jennifer at binalitang posibleng makauwi na siya sa Agosto 26, 2017.
Hinintay na lamang namin ang susunod niyang balita at unang linggo ng Setyembre ipinagbigay alam niyang nakauwi na siya ng bansa.
Ayon sa kanya hindi daw binayaran ng kanyang amo ang isang buwan niyang sahod.
“Salamat po sa tulong ninyo. Nakauwi na ako,” sabi ni Jennifer.
Sa ngayon ay kasama na ni Jennifer ang kanyang mga anak.
Mahirap magtrabaho sa ibang bansa dahil napakaraming pagsubok ang kailangan mong malampasan.
May ilang ahensya na mabait at mapapakinabangan mo lang kapag paalis ka ng bansa dahil sa bawat mapapaalis nila ay kumikita sila pero pagdating mo dun sa amo mo at nagkaproblema ka bibihira ang umaksyon sa idinadaing mo.
Kinakailangan na pangalagaan ng mga recruitment agency ang bawat taong mapaalis nila dahil ikasisira din naman nila ito kapag may reklamo laban sa kanilang ahensya.
Nitong buwan lang ay umingay ang tungkol sa ating kababayan na lapnos lapnos ang balat dahil sa pagmamaltrato ng kanyang employer. Labis ang kanyang paghihirap dun para kumita ng pera at may pananagutan ang ahensya sa kanya dahil ito ang nagpaalis sa kanya sa bansa.
Huwag na sanang madagdagan ang ganitong kaso ng pagmamaltrato ng ibang lahi sa ating kababayan. Mababawasan lamang ang bilang na ito kung magiging maingat din ang mga ahensya at kapag binibigyan nila ng importansya ang mga report sa kanila ng pamilya.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.