^

PSN Opinyon

‘Deadly hazing’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MAY BATAS nang naipasa para pangalagaan ang mga miyembro ng isang fraternity pero marami pa din ang nasasaktan at namamatay nang dahil sa hazing. Ang pinakabagong biktima umano ng hazing ay si Horacio Tomas Castillo III.

Si Horacio ay isang first year law student sa University of Sto. Tomas.

Nagpaalam lang si Horacio sa kanyang mga magulang na dadalo ng welcoming ceremony sa Aegis Juris Fraternity kung saan isa siya sa bagong tinanggap nito matapos siyang maglinis sa paaralan at sundin ang lahat ng utos sa kanya ng mga miyembro nito.

Siniguro ni Horacio sa mga magulang na walang hazing rite na magaganap.

Hindi na nakabalik si Horacio at ang sumunod nang balita sa kanya ng mga magulang ay nasa isang punerarya.

Bloated ang katawan ni Horacio, may mga patak ng kandila at sunog ng mga sigarilyo. Marami ding pasa sa kanyang katawan kaya ipinagpalagay ng mga magulang ni Horacio na namatay ang anak dahil sa hazing.

May naipasa nang batas tungkol sa hazing noong taong 1995 pa ang Republic Act 8049 o ang Anti hazing law. Nakasaad sa batas na ito na bawal na saktan o magsagawa ng initiation rites.

Hindi papayagan ang ganitong gawain kung hindi alam ng eskwelahan o unibersidad pitong araw bago ito isagawa.

Kinakailangan na may kasama silang miyembro ng organisasyon o ng eskwelahan para maiwasan ang karahasan.

Kung saka-sakaling ang isang tao ay lubhang nasaktan o namatay nang dahil sa initiation rites ang mga miyembro at opisyal ng nasabing fraternity o ang mga taong nagsagawa nito ay may pananagutan.

Habang buhay na pagkakakulong ang parusa sa sinumang nagsagawa ng initiation rites na nagresulta sa pagkamatay ng ginawan nila ng initiation rites.

Mga bagong abogado ang miyembro nito at marami ang nagtatanong kung bakit humantong sa pagkamatay ni Horacio ang kwentong ito. Napakaraming pangarap ang naputol nang dahil sa insidenteng ito. Hindi lamang para kay Horacio at sa kanyang mga magulang kundi maging ang mga taong sangkot at pinaghahanap ng batas na miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

‘Massive heart attack’ ang nakasaad sa autopsy report na dahilan ng pagkamatay ni Horacio.

Ang Dean ng University of Sto. Tomas (UST) Faculty of Civil Law Nilo Divina ay sinuspinde ang mga miyembro at opisyal ng Aegis Juris Fraternity dahil sa pagkamatay ni Horacio.

Pinagbawalan niyang pumasok sa unibersidad o dumalo sa klase ang mga ito hangga’t hindi nakakatanggap ng notice.

Kung maganda ang tingin ng ilan sa pagsususpinde ni Dean Divina sa miyembro at opisyal ng Aegis Juris Fraternity iba naman ang pagtingin ni Senator Miguel Zubiri dito.

Pinahirapan lamang daw ni Divina ang otoridad na hanapin ang mga taong pinaghihinalaang sangkot sa pagkamatay ni Horacio. Hindi din makausap ang ilang miyembro para  mabigyan ng linaw ang kaso.

Hinamon ni Zubiri si Dean Divina at lahat ng faculty members na miyembro ng Aegis Juris Fraternity na makipagtulungan sa imbestigasyon at sabihin ang lahat ng kanilang nalalaman tungkol sa insidente.

May mga natanggap daw silang report na binigyan ng payo ang mga miyembro ng nasabing fraternity na umalis ng bansa.

Isa sa persons of interest ay si Ralph Traballes Trangia ay nakaalis na ng bansa noong Martes pa.

Nag-utos na si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre na bantayan at isama sa look-out Bulletin ang labing anim na miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Wala din daw silbi ang umiiral na batas. Mas maganda daw na tuluyan nang ipagbawal ang hazing para wala nang mabiktima o mapatay nang dahil dito.

Lahat nang maaaring makunan ng impormasyon sa kasong ito ay ginagawa at hinahanap na ng kapulisan. Pati ang Uber driver na nakausap ni Horacio bago siya mamatay ay nagbigay din ng kanyang pahayag kung ano ang alam niya sa insidente.

May isa na ding hinuli ang mga pulis na nag-amok sa mismong istasyon ng pulis. Sinita lang siya sa pagkuha ng video habang nagbibigay ng salaysay ang Uber driver.

Mahigpit na ipinagbabawal ng mga pulis ang ganitong gawain lalo na’t maaaring kumalat na lamang basta ang ibibigay na detalye ng nasabing tao.

Hindi natin maiiwasan ang pagkakaroon ng mga fraternity sa iba’t-ibang unibersidad o paaralan ngunit maging maingat din sana ang mga miyembro at lalung-lalo na ang mga opisyal para hindi na magkaroon ulit ng ganitong insidente.

Kung normal na sa ibang grupo na masaktan ang kanilang miyembro sa pagsasagawa ng initiation rights huwag naman sana nilang isipin na normal na din ang may mga namamatay kapag hindi na kinakaya ng kanilang katawan ang mga pagpapahirap sa kanila.

Ilang buhay pa ang kailangan mawala para mauntog sa katotohanan ang ilan na napakadelikado ng kanilang ginagawa at sinisira nila ang mga buhay ng mga pamilyang iniiwan ng mga ito.

Hindi lahat ng fraternity ay nagsasagawa ng grabeng initiation rights pero sana lahat ng kanilang kilos ay nakaayon sa batas.

Ang pamilya lang ni Horacio ay napapatanong sa ginawang basta na lamang pag-iwan sa kanilang anak sa gilid ng kalsada. Mga abogado at magiging bagong abogado sila ng bansa pero ang ginawa nilang hakbang ay hindi makatao.

Patuloy pa ding minamatyagan ng otoridad ang mga nasa listahan ng persons of interest upang malaman kung lalabas ba sila ng bansa.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with