PAGKATAPOS ng mahigit tatlong taon ay nasabi na din ni Jinggoy Estrada na malaya na siya. Ito ay matapos niyang maglagak ng piyansa na nagkakahalaga ng Php1.33 milyong piso para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Isang milyon para sa plunder charge at Php330,000 para sa 11 counts ng Graft charges.
Taong 2014 nang maaresto si Estrada dahil sa kasong Graft at Plunder. Umaabot sa Php183 milyong piso ang umano’y naibulsa nito na galing sa Priority Development Assistance Fund sa mga pekeng proyekto.
Ang itinuturong mastermind sa gawaing ito ay si Janet Lim Napoles. Pinaimbestigahan ang buong pamilya ni Janet Napoles at tiningnang maigi kung anong uri ng pamumuhay ang meron sila.
Maraming kwestiyonableng yaman ang nakita dito at hindi naman gaanong naipaliwanag kung saan nagmula ang mga ito.
Pinayagan ng Sandigan Bayan ang kahilingan ni Jinggoy na makapagpiyansa. Nangako naman siya na dadalo siya sa mga pagdinig sa kanyang Plunder Case.
Kabilang sa mga naaresto ay sina Bong Revilla at Juan Ponce Enrile ngunit hinayaan ang huling makapagpiyansa nung taong 2015.
Usap-usapan ngayon ang posibilidad na maging state witness si Jinggoy para maresolba ang tungkol sa Disbursement Acceleration Program ng nakaraang administrasyon.
Matatandaang maging si Janet Napoles ay pinag-isipan noon na maaaring maging state witness para maisiwalat niya ang lahat ng mga nakinabang sa DAP.
Ang maanomalyang paggamit ng DAP ng nakaraang administrasyon ay patuloy pa ding pinaiimbestigahan.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre maaaring magamit ang naging testimonya ni Jinggoy laban sa nakaraang administrasyon para maging malinaw kung sino nga ba ang mastermind ng ganitong gawain.
Sa paghahalungkat noon ng mga papel marami ang nakasulat na gagawing proyekto pero kapag ininspeksyon mo ang mga ito walang proyektong natapos.
Ang iba ay hindi naman talaga ganun kalaki ang nagastos at ang masaklap karamihan sa mga ito ay wala naman talagang proyektong sinimulan.
Ilang mga Senador din ang nakasama sa listahan na umano’y nakatanggap at nakinabang sa maling gawaing ito.
Nakasaad sa naging testimonya ni Jinggoy na nung panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Benigno Aquino nang kasagsagan ng pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona ay nakatanggap siya ng limampung milyong piso.
Ang mga nakatanggap ng pera ay ang mga Senador na bumoto na mapatalsik si Corona sa posisyon.
Dagdag pa ni Aguirre walang pananagutan si Estrada dahil benepisyaryo lamang siya ng DAP. Ang pinakadapat hanapin dito ay kung sino ang pasimuno ng programa.
Nang matanong si Jinggoy kung nakipag-ugnayan na sa kanya ang Department of Justice sa posibilidad na maging state witness siya ay sinabi niyang hindi pa nakikipag-usap sa kanya ang mga ito.
Sa pakikipagpanayam kay Jinggoy sa kanyang mga interview mukha namang papayag siya kung sakaling gawin siyang state witness.
Sa ngayon masayang-masaya si Jinggoy sa kanyang paglaya. Kahit na sinong makulong ng ganun kahabang panahon kahit pa sabihin mong may kaibigan kang kasama at karamay sa kulungan iba pa din ang pakiramdam na maging malaya.
Wala ka ng mga pulis na nakabantay saan ka man magpunta at makakasama mo na ang iyong pamilya.
Umaasa din si Jinggoy na susunod na lalaya ang kanyang kaibigan na si Bong Revilla. Pinayuhan niya pa itong palakasin ang loob at darating din ang araw na makakalaya siya.
Ngayong napayagan si Jinggoy na magpiyansa ibig sabihin na walang matibay na ebidensya sa kanyang kaso.
Kung makikipagtulungan siya sa gobyerno na maisiwalat ang tunay na pasimuno nito ay magandang balita ito para maliwanagan din ang mamamayan.
Ang mga buwis na ibinabayad ng mga Pilipino ay pinaghirapan namin yan at hindi yan dapat ipamigay lamang sa mga kurakot na politiko habang ang mga mahihirap na nagsisikap ay nananatili pa ding mahirap at kumakayod ng sobra-sobra.
Ang mga nakaupo sa posisyon ay iniluklok ng taong bayan dahil pinagkatiwalaan nila ito. Alam naman natin na hindi lahat ng nakaupo ay tapat pero sana bigyan din nila ng halaga ang tiwala ng mga tao.
Para sa amin dapat talagang lumabas kung may nakinabang at winaldas ang DAP. Ang programang ito ay dinisenyo para sa mga Pilipino lalo na yung mga matagal nang nakasadlak sa hirap hindi ang mga politiko o mga taong sakim at sila lamang ang nakinabang.
Dapat ang pera galing sa sikap ay diretso sa bibig ng mga maliliit na mga Pilipino at hindi sa bulsa ng mga gahaman na tao.
Kung makita lahat ni Jinggoy Estrada ang katotohanan sa likod nito sulit ang tiwalang ibibigay sa kanya.
Si Jinggoy ay pinayagang makapag-piyansa hindi na siguro magtatagal si Bong na ang susunod.
Kapag nakitang walang matibay na ebidensya laban sa kanya ay hindi malabong mapagbigyan din siyang makapaglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.