KUNG pinalakpakan noon ang Caloocan police, hindi na ngayon! Dahil kinasusuklaman na sila ng kanilang kabaro! Nasira kasi ang programa ni President Rodrigo Duterte at PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa sa kanilang kapalpakan sa pakikipaggiyera kontra droga. Mantakin n’yo mga suki, kitang-kita sa CCTV footages ang pagkaladkad kay Kian delos Santos ng dalawang pulis bago ito natagpuang patay. Si Carl Angelo Arnaiz naman ay nakunan din ng CCTV sa C-3 road na sakay ng taxi bago natagpuang patay. At ito pa ang nakakasuklam, nakunan ng CCTV, ang pagsalakay ng mga pulis na walang search warrant sa isang bahay sa Caloocan. Kitang-kita ang mga walang unipormeng pulis na may kasamang pilantod na may dalang baril, ang paglimas ng mga gamit at pera ng isang bata sa loob ng bahay.
Mukhang may kakambal na malas ang award na tinanggap ng Caloocan police. Kaya ang galit ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde ay naibunton sa 1,200 policemen na sinibak niya. Subalit masuwerte pa rin dahil isasalang pa sila sa retraining at reorientation sa loob ng 45 araw bago sila itapon sa Marawi este ibalik sa serbisyo. Idagdag pa ang nakakahiyang pangyayari matapos na magbarilan ang dalawang pulis dahil lamang sa toothpick.
Kung kinasusuklaman man ng taumbayan ang mga pulis Caloocan, sa Quezon City naman ay may kaparaanan naman si QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar. “Reporma at Serbisyong May Puso”. Ang pagbabago ay tuluy-tuloy na proseso. Ito ang isa sa mga sinasandigang prinsipyo ni Eleazar kaya patuloy din ang “innovation” na isinusulong sa hanay ng pulisya. Bagama’t mabusisi ang mga programang pinangunahan ni Eleazar, batid na ito ay mahalagang bahagi ng pagsusulong ng reporma sa hanay ng pulisya. Kasama na sa mga programang ito ang pagpapasailalim sa neuro-psychiatric test sa 300 pulis na bahagi ng anti-drug unit ng QCPD.
Bagama’t sumailalim ang mga pulis sa neuro psychiatric test nung aplikante pa, siyempre pagdaan ng panahon at nasabak na sila sa panibagong pamumuhay bilang mga alagad ng batas, maaring magbago ang kanilang mga pananaw at ugali. Ikalawang programa na ipinatupad ng QCPD ay ang “Oplan Bakal” kung saan ang mga pulis ay papasok sa mga bar upang mag-alam kung may nagdadala ng baril o mga deadly weapon sa loob. Sa ilalim ng “Oplan Bakal,” mahigpit ang mga guidelines na inilatag si Eleazar. Dapat gawin ang pagsipat nang nakabukas ang ilaw, at plain-view lamang ang pagsipat; hindi rin obligado ang pagkapkap sa mga bar-goer bagamat maari silang pakiusapan ng mga pulis, sa magalang na paraan, pero kung tatanggi ang bar-goer, dapat itong irespeto ng pulis.” Sa madaling salita, sa halip na katakutan ang “Oplan Bakal,” ito pa nga ay maituturing na “deterrent” sa krimen.
Isa pang mahalagang programa na pasisimulan ng QCPD ay ang paggamit ng body camera. Bagamat nakasalang pa sa Kongreso ang budget na ilalaan sa PNP para sa pagbili ng mga body camera, ang QCPD, mauuna nang gumamit nito sa kanilang mga operasyon. Ayon kay Eleazar, ang 800 body camera na malapit nang magamit ng mga pulis sa kanilang hurisdiksyon ay binili ng lokal na pamahalaan ng Quezon City at ginastusan ng P200 million. Posible umanong sa Oktubre ay pormal nang mai-turn-over sa QCPD ang mga body camera na gagamitin sa pagdokumento ng mga operasyon ng QCPD. Bukod pa riyan magdaragdag pa ang Quezon City local government ng mga closed-circuit television (CCTV) sa mga pangunahing lugar sa lungsod.