SA totoo lang, maraming palaboy ngayon na nagkalat sa mga lansangan. Mga kabataan na dapat sana’y nagsisipag pasok sa paaralan. Nasaan ang mga magulang ng mga batang ito? Kung hindi sana kayo pabaya sa inyong mga anak ay maiiwasan sana ang mga karumal-dumal na krimen na nagyayari ngayon sa mga kabataan. Habang mahimbing na natutulog ang mga magulang hindi nila alam na ang kanilang mga anak ay napapasali na sa isang “gang” at itong grupong ito madalas napapasama sa iba’t ibang klase ng krimen.
Kasalanan ng mga pabayang mga magulang kung bakit nalilihis sa tamang landas ang kanilang mga anak. Tayong mga magulang ang dapat maging modelo sa ating mga anak. Tayo ang unang tao na nakagisnan nila sa mundo. Tayo ang huhubog at mag-aakay sa kanila patungo sa tamang landas ng buhay.
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit maraming kabataan ngayon ang napapariwara ang buhay. Kung ano ang gawain ng magulang ay ginagawa rin ito ng kanyang anak kaya kung ang magulang ay nagnanakaw, malamang paglaki ng anak magnanakaw din ito kaya bilib ako sa mga magulang na hindi iniinda ang hirap para lang maigapang ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
Sana maging aral sa mga katulad kong mga magulang ang nangyari sa mga kabataang napatay noong nakaraang buwan. Ingatan niyo ang inyong mga anak, alamin n’yo ang kanilang mga ginagawa, kung sila’y sangkot sa mga illegal na gawain habang maaga suwayin ang mga ito. Maraming programa ang gobyerno ngayon para sa mga kabataan. Dalhin n’yo sila sa paaralan upang magkaroon ng edukasyon.
“Education is the better, inheritance to our children”