EDITORYAL - Bumabaha dahil sa basura

PAGHUPA ng baha, bundok ng basura ang maki­kita. Inilantad ng baha ang kawalang-disiplina ng mamamayan sa Metro Manila at karatig lalawigan sa pagtatapon ng basura. Kahit na ano pang kampanya ang gawin ng pamahalaan para sa maayos na pagtatapon ng basura, wala ring epekto. Tapon dito, tapon doon ang ginagawa ng mga walang disiplina kaya walang katapusang basura ang makikita sa mga estero at mga kanal. Ang mga basurang ito ay tinatangay sa Manila Bay. Kapag masama ang panahon o may bagyo, iluluwa rin ng Manila Bay ang mga basura. Ibabalik kung saan nanggaling ang mga ito. Karaniwang sa Roxas Blvd. dinadala ng mga alon ang mga basura na karaniwang mga plastic na supot, shopping bags, sachet ng shampoo, botelya ng softdrink, sirang upuan, sopa, mga lata at kung anu-ano pang mga basura na hindi nabubulok.

Ganitong mga basura ang iniluwa ng Manila Bay noong Martes nang manalasa ang bagyong Maring. Nagkalat sa Roxas Blvd. ang mga basura na walang ipinagkaiba sa tanawin pagkatapos ng bagyo. Karaniwan nang pagkatapos ng baha, naiiwan ang mga basura. Normal na ito sa Metro Manila. Ginagawang basurahan ang Manila Bay pero marunong gumanti at ibinabalik ang anumang itinapon.

Napatunayang ang mga basura ang dahilan kaya may pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila. Ang pagbaha sa Aurora Blvd. tunnel sa Cubao, Quezon City noong Martes ay dahil sa mga nakabarang basura. Nakita ito mismo ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim. Sa kabila na may pumping stations sa nasabing tunnel, hindi nasipsip ang baha at sa halip mga basura ang nahigop. Pawang plastic na supot at mga hindi nabubulok na basura ang bumara kaya naman uma­bot hanggang tuhod ang baha sa tunnel dahilan para hindi makaraan ang mga light vehicle.

Mga basura rin ang dahilan nang pagbaha sa Araneta Avenue, Quezon City, España Blvd., R. Papa, Lawton, Taft Avenue sa Maynila. Maski ang paligid ng Manila City Hall ay lubog din sa baha dahil sa nakabarang mga basura.

Kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura. Ito ang dahilan kaya may pagbaha sa Metro Manila. Kung magpapatuloy ang ganitong ugali, hindi malulutas ang pagbaha at lulubha pa.

Show comments