^

PSN Opinyon

‘Handa makulong’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

SA MASUSING IMBESTIGASYON sa Senado kung bakit nakapasok sa bansa ang Php6.4 bilyong piso na kontrabando mula China ay hindi na sumipot si dating BOC Commissioner Nicanor Faeldon dahil hindi na siya sasagot sa katanungan ng mga Senador.

Marami nang pinatawag ang Senado at kapag hindi sila sumipot o binalewala nila ang patawag ay parang panakot na maaari silang ma-site for contempt.

Iba ang pagtingin ni Faeldon dito at dahil hindi niya nagugustuhan ang nagiging takbo ng tanungan sa Senado ay hindi na siya dumalo sa mga patawag.

Na-site for contempt si Faeldon dahil sa hindi niya pagdalo sa mga patawag sa Senado para malaman kung sino nga ba ang may kasalanan kung bakit nakapasok ang iligal na droga sa bansa.

Nung Lunes habang tuloy ang pagdinig sa Senado ay nagpunta si Faeldon dun pero hindi para sumagot sa mga katanungan sa kanya ng mga Senador ngunit upang i-surrender ang kanyang sarili.

Kasalukuyang nasa kostudiya ng Senado si Faeldon at iginiit na ihaharap niya ang kanyang sarili sa korte.

Nilinaw niyang hindi naman niya iniinsulto ang Senado bilang isang institusyon.

Ayon kay Senator Richard Gordon ay magalang si Faeldon at nakikipagtulungan maliban na lamang kina Sen. Antonio Trillanes at Sen. Panfilo Lacson.

Isa sa reklamo ni Faeldon ay ang paraan ng pagtatanong sa kanya nina Sen. Trillanes at Sen. Lacson.

Itinanggi niya ang lahat ng alegasyon sa kanya.

Ang mga Senador hindi naman natin yan mauutusan kung paano sila magtanong sa isang taong ginigisa sa imbestigasyon.

Ang pinakalayunin niyan ay palabasin ang katotohanan at malaman kung ang mga impormasyon bang nakuha ay totoo o tsismis lamang.

Walang puwang sa Senado ang haka-haka lamang o narinig lang kung wala namang mga ebidensyang susuporta dito at magpapatunay na may kasalanan talaga sila sa publiko.

Malaking halaga ng kontrabando ang nakapasok sa Pilipinas kaya dapat lang na himayin itong mabuti para mapanagot ang mga taong nasa likod ng pagkakapuslit nito.

Ang ating Presidente Rodrigo Duterte ay ginagawa ang lahat ng paraan para masugpo droga sa bansa. Kahit anong pagsasara ng mga laboratoryo ng drug lords sa bansa kung may mga nasa posisyon namang nagpapapasok ng iligal na droga mananatiling talamak ang bentahan sa bansa.

Sa mga pagdinig lalo na sa Senado talagang babalatan ka dito at pipigaing mabuti hangga’t makuha nila ang gusto nilang sagot. Sa korte gigisahin ka din naman sa pagtatanong.

Tulad nga ng sabi ni Sen. Gordon pasya ni Faeldon na magpaaresto at mananatili siyang nasa kostudiya ng Senado.

Marami nang pangalan ang nadawit sa imbestigasyong ito. Maging ang kamag-anak ng Presidente ay hindi nakaligtas. Ang anak naman ni Sen. Lacson ay naakusahan ding nagpapasok ng mga smuggled goods sa bansa.

Tuloy pa din ang pagdinig ngunit hindi na haharap si Faeldon. Sa panayam kay Sen. Lacson naghahanda na silang magsampa ng kaukulang kaso laban kay Faeldon at sa ilang opisyales ng Customs sa umano’y pagkakasangkot nito sa korapsyon sa loob ng BOC.

Nauna nang inakusahan ni Sen. Lacson si Faeldon na tumanggap siya ng isang daang milyong piso bilang ‘pasalubong’ nang maupo siya bilang bagong Commissioner.

May mga nauna nang pinangalanan si Sen. Lacson na sangkot sa korapsyon. Kabilang sa mga nabanggit na tumatanggap ng ‘tara’ ay sina Deputy Commissioners Teddy Raval, Ariel Nepomuceno, Gerardo Gambala, Natalio Ecarma III at Edward James Dy Buco.

Nasabit din sina Director Neil Estrella ng Customs Intelligence and Investigation Service, Director Milo Maestrecampo ng Import and Assessment Service, Larribert Hilario at marami pang iba.

Nangangalap lamang ng ebidensya si Sen. Lacson sa pagsasampa ng kaso. Bagama’t may mga hawak na silang ibang ebidensya ay kinakailangan pa nila ang iba pang dokumento para maging malinaw kung sinu-sino nga ba sa mga opisyal ng Customs ang sangkot sa korapsyon.

Ang tungkol daw kay Faeldon ay malinaw na at sinisiguro lamang nila ang iba pang kakasuhan sa Ombudsman.

May ilan pang iniimbestigahan at hinihimay na personalidad sa isyung ito. May binabanggit na ‘Davao Group’ na sangkot daw sa pagpasok ng iligal na droga sa bansa.

Ang pagdinig sa Senado ay ginagawa para mas maging malinaw ang lahat ng espekulasyon o bintang laban sa isang tao.

Kung talagang wala kang kasalanan ay mapapatunayan mo ito sa pagdinig dahil lahat ng makukuhang ebidensya ay hindi paturo sa ‘yo kundi papuntang sa tunay na may kasalanan.

Droga ang isa sa binabantayan ng Presidente dahil ito ang ugat ng maraming krimen sa bansa.

Ilang beses na tayong nakakarinig na suspek na kapag iniinterview sa telebisyon ay sinasabing lulong lamang sila sa droga at hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Meron pang iba na nagdilim ang kanilang paningin at nakagawa sila ng krimen.

Anong magagawa ng isang paghingi ng tawad kung maraming tao ka ng napatay at nasirang buhay?

Nagsisimula sa sarili ang pagbabago at pag-iwas sa droga ngunit obligasyon din ng opisyal ng bansa na harangin ang mga ganitong transaksyon para hindi na mapakinabangan ng mga masasamang loob.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with