TUMATAKBO PA LANG si Presidente Rodrigo Duterte ay inaakusahan na siya ni Senator Antonio Trillanes na may perang aabot sa Php211 milyong piso na nakadeposito sa bangko na nakuha niya nang nasa posisyon pa siya bilang Mayor ng Davao City.
Hanggang ngayon ay hindi pa napapatunayan ni Senator Trillanes na totoo ngang may ganito kalaking pera si Presidente Duterte.
Nang umingay ang isyu sa bigayan ng “tara” sa Bureau of Customs ay nadawit ang anak ni Presidente na si Vice Mayor Paolo Duterte pati ang manugang nitong si Manases Carpio na sinasabing miyembro umano ng Davao Group.
Mahigpit na kritiko ng Presidente at ng kanyang administrasyon si Senator Trillanes at hindi ito tumitigil sa pagpapalabas ng mga umano’y expose laban sa Presidente at sa kanyang pamilya.
Kung noon ay tinatawanan lang ng Presidente at hinahamon nito si Senator Trillanes na patunayan ang mga akusasyon laban sa kanya ngayon ay rumesbak naman si Presidente at ibubulgar niya daw ang mga tagong yaman ni Trillanes.
Dagdag ng Presidente kung si Trillanes ay kayang magbulgar ng mga laman ng bank accounts ay kaya niya din itong gawin. Isasapubliko niya ang pera ni Trillanes na nakatago sa bangko sa ibang bansa.
Maliban daw sa account nito sa Pilipinas ay marami pa itong foreign account at ilalantad niya ang mga bank deposits nito.
Nagbanggit pa ng mga lugar ang Presidente na umano’y may bank account ni Trillanes. Ilan sa mga ito ay sa Hong Kong, China, Australia at US.
Nangangalap lamang daw ng dagdag na dokumento at impormasyon ang Presidente ngunit nangako siya na magbabanggit siya ng ilang transaksyon nito.
Ang mga account daw na ito ay magpapakita na may mga nakaw na yaman si Trillanes.
Sumagot naman si Trillanes at pinabulaanan ang mga binanggit ng Presidente. Fake news lang daw ito at walang katotohanan ang mga sinabi ng Presidente. Tinawag niya pang sinungaling ang Presidente.
Hamon pa ni Trillanes “Ilabas niya yung detalye at agaran akong pipirma ng waiver para malaman ang katotohanan.”
Sa ginagawang pagdinig ngayon tungkol sa pagkakapuslit ng Php6.4 bilyong piso na iligal na droga sa bansa ay iniuugnay na kasapi ng Chinese triad si Vice Mayor Duterte.
Ito ay isang grupo na responsable international smuggling at drug trade.
Nagmula kay Mark Taguba ang isyu na konektado sa nasabing anomalya si Vice Mayor Duterte ngunit humingi naman ito kaagad ng paumanhin at nilinaw na hindi siya sigurado kung ang anak nga ng Presidente ang binabanggit.
Walang direktang ebidensya na nagtuturo dito at usap-usapan lang sa loob ng Customs.
Pumalag din si Vice Mayor Duterte at hindi daw pwedeng pagbasehan sa isang pagdinig ang mga tsismis lamang.
Sa akusasyon ng Presidente may kumakalat ngayong litrato ng bank transactions ng isang account na umano’y pag-aari ni Trillanes sa Switzerland at Canada.
May iba pang litrato ang kumakalat ngayon na nagpapatotoo na talagang may account nga si Trillanes sa ibang bansa. Isa na dito ay ang $50 remittance mula sa Taishin International Bank sa isang account na nasa pangalan ni Trillanes sa UBS Bank sa Zurich.
Marami pa ang kumakalat na impormasyon kaugnay ng isiniwalat ng Presidente. Meron din sa Nova Scotia Bank sa Toronto.
Mariin ang naging pahayag ng Presidente na maglalabas siya ng mga ebidensiya para patunayan ang lahat ng akusasyon niya laban kay Trillanes tungkol sa mga nakatago nitong pera sa ibang bansa.
Kung sakaling totoo nga ang mga paratang sa kanya ng Presidente dapat isaisip ng mga politiko o lahat ng taong mang-aakusa sa kapwa na kinakailangan kung magbubulgar ka ng isang bagay siguraduhin mong walang makakalkal na baho sa sarili mong balwarte.
Sa mga politiko natin sa Pilipinas may ilan diyan na kapag hindi mo pinansin o hindi mo ginalaw kahit na may alam silang ginagawa kang anomalya ay hindi sila kumikibo.
Kapag sinaling mo at tinamaan saka lang aaray at maghuhukay para isampal sa ‘yo ang mga maling ginagawa mo.
Nangako ang Presidente na lalabanan niya ang korapsyon sa bansa na isa sa dahilan kung bakit naghihirap ang mga Pilipino.
Ang pagiging korap din ng isang politiko ang dahilan kung bakit maraming proyekto sa bansa ang hindi kaagad natatapos o hindi sila nakakapagbigay ng magandang resulta dahil ang pondo ay ibinubulsa.
Bagamat may mga taong kumikita sa ginagawa nila mas maraming tao naman ang naghihirap at niloloko ng mga korap na opisyal.
Matapang ang Presidente at hinamon ang lahat ng nang-aakusa sa kanila na maglabas ng mga ebidensya na magpapatunay na sangkot nga sila sa korapsyon at sa iligal na gawain.
Kung sakaling mapatunayan ito ng kanyang mga kritiko ay handa siyang iwanan ang kanyang posisyon.
Sa ngayon marami ang nag-aabang sa mga ebidensyang ilalatag ng Presidente para mapatunayan na meron ngang mga nakatagong pera sa ibang bansa at maging sa Pilipinas si Sen. Trillanes.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618