ILANG ARAW NANG HINDI natatagpuan ang kasama ni Carl Angelo Arnaiz na si Reynaldo de Guzman na labing apat na taong gulang lang.
Umaasa pa ang pamilya de Guzman na buhay nilang matatagpuan si Reynaldo at naghahanda pang magpaskil ng maraming litrato sa iba’t-ibang lugar sa pagbabakasakaling may magbigay ng impormasyon sa kanyang kinaroroonan.
Bago pa nila matanggap ang balita noong ika-anim ng Setyembre 2017 ay hinanap na nila sa iba’t-ibang lugar si Reynaldo ngunit hindi nila ito natagpuan.
Kahit sinong magulang kakabahan kapag nalaman mong patay na ang kasabay na nawala ng anak mo pero hangga’t walang bangkay na nakikita ay nandiyan ang pag-asang maaaring buhay pa ito.
May isang kakilala lang ang nagbigay sa kanila ng impormasyon na may natagpuang bangkay sa Gapan, Nueva Ecija at mukhang ito nga si Reynaldo.
Kinumpirma ng mga magulang ni Reynaldo ang bangkay. Nakilala nila si Reynaldo sa pamamagitan ng nunal nito at ilang palatandaan sa may bandang tuhod.
Ayon sa isang nagtatrabaho sa punerarya kung saan dinala si Reynaldo ay amoy gasolina daw ito.
Natagpuan ang katawan ng binatilyo na palutang-lutang sa isang creek sa Gapan, Nueva Ecija.
Balot ng packaging tape at tela ang mukha ng binatilyo. Sa salaysay ng mga nandun ay may narinig silang humintong sasakyan pagkatapos ay may tunog silang narinig na may ibinagsak sa tubig.
Malalalim na saksak ang tinamo ni Reynaldo. Tinamaan pa ang lamang loob nito at halos tumagos sa likod nito ang mga sugat sa katawan.
Sa pahayag ni Gapan Police Chief Supt. Peter Madria na hindi pa ganun katagal ang lumipas mula nang mamatay si Reynaldo.
Marami ang umaasa sa paglitaw ni Reynaldo dahil ito ang isa sa maaaring magbigay ng linaw sa usapin sa pagkamatay ni Carl.
May espekulasyon din ang inisip na pinatay ito para hindi na makapagsalita pa kung ano nga ba ang nangyari nung gabing napatay si Carl.
Magkakalapit at halos tumagos sa likod ng binatilyo ang mga saksak niya sa dibdib. Sa tantiya ng mga pulis may habang siyam na pulgada ang ginamit na patalim sa pagpatay kay Reynaldo.
Marami ang nalungkot sa pagkamatay ni Reynaldo dahil nagsusumikap itong mabuti tulad ng kanyang mga kapatid para makapagtrabaho at makatulong sa pamilya.
Kung anu-anong trabaho ang pinapasok ng binatilyo tulad ng pagiging assistant ng tindero ng isda. Naaawa lang sa kanya ang tindero kaya pinili nitong tulungan si Reynaldo dahil walang-wala daw ang pamilya nito.
Pagkatapos nitong pumasok sa paaralan ay dumidiretso na ito sa pagbabanat ng buto.
Nagtrabaho din si Reynaldo bilang delivery boy sa isang tindahan at tumutulong-tulong sa construction minsan.
Lahat ng kinikita nito ay iniaabot niya sa kanyang mga magulang. Nagtatrabaho din ang iba niyang mga kapatid dahil hirap sila sa buhay kaya tulung-tulong sila para mairaos ang araw-araw.
Kung titingnan mo isa sa mga batang pinipilit magsumikap at kumayod si Reynaldo pagkatapos ay papatayin lang sa ganitong paraan.
Di tulad ng ibang kaso ay walang CCTV footage o testigo na lumutang na magbibigay ng salaysay kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa binatilyo.
Sa payat ng kanyang pangangatawan siguro naman ay walang magsasabi na nang holdup siya o nakipagbarilan.
Nakakabahala na napakarami nang kabataan ang napapatay ngayong mga panahong ito.
Hiling ng pamilya de Guzman sana ay hindi mangyari sa mga anak ng pumatay kay Reynaldo ang nangyari sa kanilang anak.
Napakahirap para sa mga magulang na maglibing ng kanilang mga anak. Lalo na kung ang anak mo ay nagiging kamay mo para matulungan at ang umaagapay sa iyo sa panahon na nahihirapan ka.
Sa mga salaysay ng mga kaibigan at kakilala ni Reynaldo binansagan pa nila itong ‘utusan ng bayan’.
Sana nga lang ay may lumutang na testigo o makahanap ng mga ebidensya para maging gabay ng mga imbestigador para maituro ang salarin.
Tatlumpung saksak ang natamo ng binatilyo, kung iisipin mo labis labis ang paghihirap at sakit na natamo nito bago pa ito namatay. Indikasyon lang ito na talagang gustong patayin si Reynaldo.
Kulang na lang ay magpunit-punit ang katawan nito sa dami ng saksak sa katawan.
Ipinagtataka din ng mga magulang ni Reynaldo kung bakit napunta sa Gapan ang anak gayung sa Cainta ito huling nakita na bibili lang dapat ng meryenda.
Nabahala naman ang palasyo sa pagkakapatay kay Reynaldo at inutusan na ang National Bureau of Investigation (NBI) na magkaroon ng masinsinang imbestigasyon sa kaso.
Sa mga magulang pag-ingatan ninyong mabuti ang inyong mga anak. Napakadelikado ng panahon ngayon kung saan nagkalat ang mga masasamang loob at mga adik na walang habas at konsensya sa pagpatay kahit pa mga kabataan ang kanilang mabiktima.
Kung sino man ang may impormasyon sa kung ano talaga ang nangyari kay Reynaldo ay makipagtulungan sa otoridad upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng binatilyo.
Sa mga ganitong pagkakataon malaking bagay para sa pamilya at para maibsan man lang kahit kaunti ang sakit ng kanilang kalooban sa pagkamatay ni Reynaldo.
Naglaan na din ng pabuya sa kung sinuman ang makakapagbigay ng impormasyon kung papaanong napunta sa Gapan si Reynaldo.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.