Delikadesa

KUNG naglalagatikan man ngayon ang mga ngipin ng mga senador at kongresista sa matinding galit sa mga opisyales ng Bureau of Customs at National Bureau of Investigation hinggil sa P6.4 bilyong shabu na nakum­piska sa bodega sa Valenzuela City, nagkukumahog naman ngayon ang mga tauhan ng Philippine Drugs Enforcement Agency sa paggalugad sa lahat ng sulok ng Metro Manila at karatig lalawigan upang hanapin ang kahun-kahong naipuslit na droga sa BOC. Naniniwala kasi ang magagaling nating mambabatas na sa South Harbor ipinadadaan ng sindikato ang droga dahil madaling tapalan ng datung ang mga doberman ni BOC commissioner Nicanor Faeldon kaya  nailabas ang mga kontrabado. Kaya sa paggigisa ng mga senador at kongresista sa ilang matataas na opisyales ng BOC nagka-heart attack tuloy si Faeldon. Na-pressure kaya siya sa simplang ng kanyang tauhan o ininda nito ang pagbubulgar ni Customs broker Mark Taguba? 

Noong Lunes hindi nakasipot si Faeldon sa hearing ng Kamara dahil sa pananakit ng ngaipin, maging ang Senate hearing din ay hindi sinipot ni Faeldon matapos maospital sa pananakit sa puso. Marami tuloy ang nanghinayang sa di pagsipot ni Faeldon dahil ito na sana ang pagkakataon niya na maibulalas ang kanyang nalalaman sa BOC. Delikadesa! Delikadesa lang ang kailangan dito! Get n’yo mga suki? Kung sabay marahil noon pa ito nangyayari sa BOC kung kaya nagkukumahog ang mga pulis sa pagtugis sa drug traffickers, big time pushers­ at users na nauuwi sa patayan. Araw-araw, gabi-gabi na lang may napapatay na pushers/users matapos na maki­pagbarilan sa mga pulis. Ang masakit nito patuloy pa rin ang ilang kababayan sa paggamit ng shabu.

Subalit dito pala sa Sta. Rosa City,  Laguna magkatuwang ang local government unit at PNP para sagipin ang mga apektado ng droga. Nitong nakaraan Huwebes, Agosto 5 naging saksi ako  sa drug summit sa Sta. Rosa City na ginanap sa 3rd floor, City Hall Building B na inorganisa ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC). Dinaluhan ito nina Sta. Rosa City Mayor Dan Fernandez, 1St District of Laguna Rep. Arlene Arcillas, Vice Mayor Arnold Arcillas, City Councilors, Barangay Officials Region 4A Director C/Supt. Ma. Aplasca at syempre ni Sta Rosa City Police Chief Supt. Joel Estaris. Binigyan ng sertipiko ang may 620 surenderees na lumahok sa 45 days rehabilitation ng Barangay at tatlong araw sa Simula ng Pag-asa (SIPAG) program. Binigyan din ng award ang 22 pasyente mula sa Dangal ng Pagbabago Rehabilitation Center matapos na magtapos ito sa kanilang rehab.

Ito palang Dangal Sa Pagbabago Rehabilitation Center ay ang kauna-unahang rehabilitation center sa bansa na pinamamahalaan ng Local Government Unit na binuo sa panawagan ni Pres. Rodrigo Duterte para kalingain ang drug surenderees at nahuli sa operation tokhang. Kaya  ang 22 nagsipagtapos sa Dangal Sa Pagbabago  Rehabilitation Center ay nabigyan ng pag-asa na muling makabalik sa kanilang normal na pamumuhay. Tutulungan sila ng LGU’s at Police na makapaghanap ng trabaho sa Sta Rosa City at sila rin ang gagawing lider sa bubuuhing crusada ng pamahalaan laban sa droga. Malaki ang naging papel rito ni Supt. Estaris dahil sa kanya inatang ni Mayor Fernandez, Rep. Arcillas at Vice Mayor Arcillas ang paghabol sa mga gumagamit ng droga.

Agad naman tumugon si Estaris para kumbinsihin  ang mga Barangay Chairmen na pasukin ang mga durugista, nagresulta ito ng pagsuko mula sa  Aplaya 83, Balibago 39, Caingin  76, Dila 49, Dita 43, Don Jose 26, Ibaba 31, Kanluran 42, Labas 64, Macabling 28, Malitlit 32, Malusak 9, Market Area 34, Pooc 125, P. Santa Cruz 61, Sinalhan 126, S. Domingo 17 at Tagapo 48. Malinaw na nagtatrabaho itong ating mga kapulisan sa ikabubuti ng sambayanan ng maiwasan ang kasawian.  Okey ka Col. Estaris!

Show comments